Skip to main content
Auto loan key terms (in Tagalog)

Mga pangunahing kataga para sa mga loan sa sasakyan

Aktuwal na Halaga sa Pera (ACV) (Actual Cash Value (ACV))

Ang Aktuwal na Halaga sa Pera (ACV) ay ang halaga ng sasakyan ayon sa mga kilalang-kilalang independiyenteng pinagkukunan tulad ng Pambansang Asosasyon ng mga Nagbebenta ng Sasakyan (National Automobile Dealers Association) o Kelley Blue Book .


Amortisasyon (Amortization)

Ang amortisasyon ay ang proseso ng unti-unting pagbabayad sa iyong loan sa sasakyan. Sa isang naka-amortize na loan, para sa bawat isa sa iyong mga buwanang kabayaran, inilalapat ang isang bahagi nito sa halaga ng loan – ang principal – at inilalapat ang bahagi ng kabayaran sa pagbabayad ng pinansyal na singil – ang interes.

Magbasa nang higit pa (sa Ingles)


Taunang Porsyento ng Singil (APR) (Annual Percentage Rate (APR))

Ang Taunang Porsyento ng Singil (APR) ay ang halagang binabayaran mo kada taon para humiram ng pera, kabilang ang mga singil, na ipinapakita bilang porsyento. Ang APR ay ang mas malawak na panukat ng gastos para sa iyo sa paghiram ng pera dahil hindi lamang ito sumasalamin sa antas ng interes ngunit pati na rin sa mga singil na kailangan mong bayaran para makakuha ng loan. Kung mas mataas ang APR, mas malaki ang babayaran mo sa kabuuang itatagal ng loan.

Ang APR ng loan sa sasakyan at ang antas ng interes ay dalawa sa pinakamahahalagang panukat sa presyong binabayaran mo sa paghiram ng pera. Inaatasan ng pederal na Truth in Lending Act (TILA, Batas sa Katotohanan sa Pagpapautang) ang mga nagpapautang na partikular na isiwalat sa iyo ang tungkol sa mahahalagang termino, kabilang ang APR, bago ka legal na magkaroon ng obligasyon sa loan. Dahil ang lahat ng nagpapautang ay kailangang magbigay ng APR, maaari mong gamitin ang APR para paghambingin ang mga loan sa sasakyan. Siguraduhin lamang na inihahambing mo ang mga APR sa mga APR at hindi sa mga antas ng interes


Itinalaga (Assignee)

Ang itinalaga (assignee) ay isang indibidwal o kumpanyang bumibili ng iyong loan sa sasakyan. Halimbawa, ang isang nagbebenta ng sasakyan (auto dealer) na nagbigay sa iyo ng credit ay maaaring ibenta ang iyong loan sa isang bangko, kung saan ginagawa nitong itinalaga ang bangko. May pagkakautang kang pera sa sinumang bumili ng iyong loan. May lien ang itinalaga sa sasakyan at maaari nitong bawiin ito (repossess) kung hindi ka magbabayad.


Pangunahing presyo (Base price)

Ang pangunahing presyo (base price) ay ang presyo ng sasakyan na walang opsyon.

Magbasa nang higit pa (sa Ingles)


Antas sa pagbili (Buy rate)

Ang antas sa pagbili (buy rate) ay ang antas ng interes na kino-quote ng potensyal na magpapautang sa iyong dealer kapag nag-a-apply ka para sa pagpipinansyang isinaayos ng dealer.

Magbasa nang higit pa (sa Ingles)


Kasamang lumagda (Co-signer)

Ang kasamang lumagda (co-signer) ay isang indibidwal—tulad ng magulang, malapit na kapamilya, o kaibigan—na nangangakong babayaran ang loan kung hindi mo ito magagawa. Maaari itong maging isang pakinabang para sa iyo at sa nagpapautang sa iyo. Inaako ng kasamang lumagda ang buong responsibilidad na bayaran ang loan. Ang pagkakaroon ng kasamang lumagda sa iyong loan ay nagbibigay sa nagpapautang sa iyo ng dagdag na katiyakan na mababayaran ang loan. Kung hindi mo babayaran ang iyong loan, mananagot ang kasamang lumagda sa pagbabayad kahit na hindi siya kailanman nagmaneho ng iyong sasakyan. Kung may humiling sa iyong maging kasamang lumagda sa isang loan, kailangan mong isaalang-alang kung paano nito maaapektuhan ang iyong kalagayang pinansyal.


Credit insurance

Ang credit insurance ay opsyonal na insurance na maaaring magbayad para sa iyong sasakyan sa nagpapautang sa iyo sa ilang sitwasyon, tulad ng kung ikaw ay namatay o nagkaroon ng kapansanan. Kung isinasaalang-alang mo ang credit insurance, siguraduhing nauunawaan mo ang mga tuntunin ng polisang inaalok. Kung nagpasya kang kailangan mo ng insurance, maaaring may mga mas murang paraan para makakuha ka ng coverage sa halip na bumili ng credit insurance at idagdag ito sa iyong loan sa sasakyan. Halimbawa, maaaring mas mura ang life insurance kaysa sa credit life insurance at pinahihintulutan nito ang iyong pamilya na bayaran ang iba pang mga gastusin bukod sa iyong loan sa sasakyan.


Mga produkto ng pagkansela o pagsuspindi ng utang (Debt cancellation or suspension products)

Naghahandog ang ilang nagbebenta ng sasakyan at pati na rin ang ibang mga bangko at credit union ng mga produkto o insurance ng “pagkansela ng utang” at “pagsuspindi ng utang” sa ilalim ng iba't ibang pangalan. Halos katulad ng mga produktong ito ang credit insurance pagdating sa ginagampanan nito, ngunit maaaring naiiba ang mga singil at iba pang tampok.

Magbasa nang higit pa (sa Ingles)


Natitirang balanse (Deficiency balance)

Kung na-repossess at naibenta ang iyong sasakyan, maaaring managot ka sa pagbabayad ng resulta ng pagbawas ng halagang natitira sa iyong loan (pati ang mga singil sa pag-repossess) sa presyo noong ibinenta ito. Ito ay tinatawag na “natitirang balanse” (“deficiency balance”).


Down payment

Ang down payment ay ang pauna at agad na ibinabayad mo tungo sa kabuuang halaga ng sasakyan. Ang iyong down payment ay maaaring cash, halaga ng ipinalit na ibang sasakyan, o pareho. Kung mas marami kang ipapang-down, mas kaunti ang kakailanganin mong hiramin. Maaaring makabawas ang mas malaking down payment sa iyong buwanang bayarin at sa kabuuang halaga ng iyong pagpipinansya.


Pinalawig na warranty o kontrata ng serbisyo sa sasakyan (Extended warranty or vehicle service contract)

Saklaw ng pinalawig na warranty (extended warranty) o kontrata ng serbisyo sa sasakyan (vehicle service contract) ang mga gastos sa ilang uri ng pagkukumpuni bukod sa o pagkaraang matapos ang warranty ng tagamanupaktura.

Magbasa nang higit pa (sa Ingles)


Departamento ng pinansya at insurance (Finance and insurance department)

Kung bumili ka ng sasakyan sa isang dealership, maaari kang i-refer ng nagbebenta sa isang tao sa F&I (Pinansya at Insurance) o sa opisina ng negosyo. Bahagi ito ng dealership na nagbebenta ng mga loan at mga opsyonal na idadagdag sa mga customer pagtapos nilang sumang-ayon sa pagbili ng sasakyan sa dealership.

Magbasa nang higit pa (sa Ingles)


Pagpipinansya sa hindi nagbabagong antas (Fixed-rate financing)

Ang pagpipinansya sa hindi nagbabagong antas (fixed-rate financing) ay nangangahulugang hindi nagbabago ang antas ng interes sa iyong loan sa kabuuan ng itatagal ng iyong loan. Sa hindi nagbabagong antas, maaari mong makita ang iyong kabayaran para sa bawat buwan at ang kabuuang babayaran mo sa kabuuan ng itatagal ng loan. Maaaring mas naisin mo ang pagpipinansya sa hindi nagbabagong antas kung hinahanap mo ang pagbabayad sa loan na hindi magbabago. Ang pagpipinansya sa hindi nagbabagong antas ay isang uri ng pagpipinansya. Ang isa pang uri ay ang pagpipinansya sa nagbabagong antas.


Sadyang inilagay na insurance (Force-placed insurance)

Upang makakuha ng loan para makabili ng sasakyan, kailangan mong magkaroon ng insurance para masaklaw ang mismong sasakyan. Kung hindi ka nakakuha ng insurance o hinayaan mong mag-lapse ang iyong insurance, karaniwang binibigyan ng kontrata ang nagpapautang ng karapatang kumuha ng insurance para masaklaw ang sasakyan. Ang insurance na ito ay tinatawag na “sadyang inilagay na insurance” (“force-placed insurance”).

Magbasa nang higit pa (sa Ingles)


Insurance na Ginarantiyahang Proteksyon sa Sasakyan (GAP) (Guaranteed Auto Protection (GAP) insurance)

Saklaw ng GAP insurance ang resulta ng pagbawas (o puwang) sa pagitan ng halaga ng pagkakautang mo sa iyong loan sa sasakyan at kung ano ang binabayaran ng iyong insurance kung ninakaw, nasira, o lubusang nawasak ang iyong sasakyan. Hindi mo kailangang bilhin ang insurance na ito, ngunit magtingin-tingin kung nagpasya kang gusto mo nito. Ang mga nagpapautang ay maaaring magtakda ng iba't ibang presyo para sa produktong ito.


Antas ng interes (Interest rate)

Ang antas ng interes (interest rate) ng loan sa sasakyan ay ang halagang binabayaran mo sa bawat taon para humiram ng perang ipinapakita bilang porsyento. Hindi kasama sa antas ng interes ang mga singil na ipinapataw para sa loan.

Ang APR at antas ng interes ng loan sa sasakyan ay dalawa sa pinakamahahalagang panukat sa presyong binabayaran mo para sa paghiram ng pera. Inaatasan ng pederal na Truth in Lending Act (TILA, Batas sa Katotohanan sa Pagpapautang) ang mga nagpapautang na partikular na isiwalat sa iyo ang tungkol sa mahahalagang termino, kabilang ang APR, bago ka legal na magkaroon ng obligasyon sa loan. Dahil ang lahat ng nagpapautang ay kailangang magbigay ng APR, maaari mong gamitin ang APR para paghambingin ang mga loan sa sasakyan. Siguraduhin lamang na inihahambing mo ang mga APR sa mga APR at hindi sa mga antas ng interes.


Termino at itatagal ng loan (Loan term or duration)

Ito ang haba ng iyong loan sa sasakyan na karaniwang nakatakda sa bawat buwan. Ang maikling termino ng loan (kung saan magbabayad ka buwan-buwan sa mas kaunting buwan) ay babawas sa kabuuang halaga ng iyong loan. Maaaring mabawasan sa mas mahabang loan ang buong buwanang kabayaran, ngunit magbabayad ka ng mas higit pang interes sa kabuuang itatagal ng loan. Ang mas matagal na loan ay naglalagay sa iyo sa panganib na magkaroon ng negatibong equity, kung saan mas malaki ang pagkakautang mo sa sasakyan kaysa sa halaga ng sasakyan.


Ratio ng loan sa halaga (Loan-to-value ratio)

Ang ratio ng loan sa halaga (LTV) ay ang kabuuang halaga sa dolyar ng iyong loan na hinati ng aktuwal na halaga sa pera (ACV) ng iyong sasakyan. Karaniwan itong ipinapakita bilang porsyento. Binabawasan ng iyong down payment ang ratio ng loan sa halaga ng iyong loan.

Magbasa nang higit pa (sa Ingles)


Arbitrasyong kailangang sumunod sa batas (Mandatory binding arbitration)

Sa pamamagitan ng paglagda sa kontratang may probisyong arbitrasyong kailangang sumunod sa batas (mandatory binding arbitration), sumasang-ayon kang resolbahin ang anumang mga hindi pagkakasundo tungkol sa kontrata sa harap ng isang arbitrador na nagpapasya sa hindi pagkakasundo sa halip na ang hukom. Maaari ka ring sumang-ayon na ipagpaliban ang iba pang mga karapatan, tulad ng iyong kakayahang iapela ang desisyon o sumali sa isang pagsasampa ng kaso ng grupo (class action suit).

Magbasa nang higit pa (sa Ingles)


Mga insentibo ng tagamanupaktura (Manufacturer incentives)

Ang mga insentibo ng tagamanupaktura ay mga espesyal na deal, tulad ng 0% pagpipinansya o mga cash rebate na maaaring nakita mong inaanunsyo para sa mga bagong sasakyan. Kadalasan, inaalok lamang ang mga ito para sa mga partikular na modelo.


Retail na Presyong Iminumungkahi ng Tagamanupaktura (MSRP) (Manufacturer Suggested Retail Price (MSRP))

Ang Retail na Presyong Iminumungkahi ng Tagamanupaktura (MSRP) ay ang presyong iminumungkahi ng tagagawa ng sasakyan – ang tagamanupaktura – na hinihingi ng nagbebenta para sa sasakyan.


Negatibong equity (Negative equity)

Kung may pagkakautang ka na higit pa sa kasalukuyan mong loan sa sasakyan kaysa sa halaga nito—na tinatawag na “nakabaligtad” (upside down)—mayroon kang negatibong equity. Sa madaling salita, kung sinubukan mong ibenta ang iyong sasakyan, hindi mo makukuha ang pagkakautang mo rito. Halimbawa, sabihin nating may pagkakautang kang $10,000 sa iyong loan sa sasakyan at ang halaga ng iyong sasakyan ngayon ay $8,000. Ito ay nangangahulugang mayroon kang negatibong equity na $2,000. Kakailanganing bayaran ang negatibong equity na iyon kung gusto mong ipagpalit ang iyong sasakyan at kumuha ng loan sa sasakyan para bumili ng panibago.

Loan sa sasakyan na walang credit check o “bumili rito, magbayad dito”

Ang loan sa sasakyan na walang credit check o “bumili rito, magbayad dito” ay inaalok ng mga dealership na karaniwang mga pinansyang loan sa sasakyan sa mismong dealership para sa mga nangungutang na walang credit o may mahinang credit.

Magbasa nang higit pa (sa Ingles)


Principal

Ang principal ay ang perang una mong sinang-ayunang bayaran.

Karaniwan, anumang ibinayad sa isang loan sa sasakyan ay ilalapat muna sa anumang mga singil na dapat bayaran (halimbawa, mga singil sa nahuling pagbayad). Pagkatapos, ilalapat ang natitirang pera mula sa iyong ibinayad sa anumang interes na dapat bayaran, kabilang ang dapat bayarang dating interes, kung naaangkop. Ang natitira sa iyong kabayaran ay ilalapat sa balanseng prinsipal ng iyong loan.


Pagpepresyong nakabatay sa panganib (Risk-based pricing)

Nangyayari ang pagpepresyong nakabatay sa panganib kapag nag-aalok ang mga nagpapautang sa iba't ibang mamimili ng iba't ibang antas ng interes o iba pang mga termino ng loan, batay sa tinantiyang panganib na hindi makakapagbayad sa kanilang mga loan ang mga mamimili.

Magbasa nang higit pa (sa Ingles)


Kabuuang gastos (Total cost)

Ito ang kung magkano ang babayaran mo para mabili ang iyong sasakyan, kabilang ang principal, interes, at anumang down payment o pamalit, sa kabuuang itatagal ng loan.


Pagsisiwalat na Katotohanan sa Pagpapautang (Truth in Lending disclosure)

Iniaatas ng pederal na Truth in Lending Act (Batas sa Katotohanan sa Pagpapautang)—o “TILA” sa maikling salita—na tumanggap ang mga nangungutang ng mga nakasulat na pagsisiwalat tungkol sa mahahalagang tuntunin ng credit bago nila bayaran ang loan na alinsunod sa batas. Alamin pa ang tungkol sa impormasyong kasama sa iyong pagsisiwalat na TILA at kung kailan mo ito dapat matanggap o mapag-aralan.


Pagpipinansya sa nagbabagong antas (Variable-rate financing)

Ang pagpipinansya sa nagbabagong antas ay kung saan ang antas ng interes sa iyong loan ay maaaring magbago, batay sa pangunahing antas o iba pang antas na tinatawag na “index.” Sa loan na may nagbabagong antas, ang antas ng interes sa loan ay nagbabago sa tuwing nagbabago ang antas ng index, na ibig sabihin, maaari itong tumaas o bumaba. Dahil maaaring tumaas ang iyong antas ng interes, maaari ring tumaas ang binabayaran mo buwan-buwan. Kung mas mahaba ang termino ng loan, maaaring mas mapanganib ang loan na may iba't ibang antas para sa nangungutang, dahil may mas maraming pagkakataon para tumaas ang mga antas. Ang pagpipinansya sa nagbabagong antas ay isang uri ng pagpipinansya. Ang isa pang uri ay ang pagpipinansya sa hindi nagbabagong antas.


Insurance na Nag-iisang Interes ng Nagbebenta (VSI) (Vendor's Single Interest (VSI) insurance)

Pinoprotektahan ng VSI insurance ang nagpapautang, ngunit hindi ikaw, sakaling masira o mawasak ang sasakyan.

Magbasa nang higit pa (sa Ingles)