Pumunta sa nilalaman

San Quintin

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
San Quintin
Martir
Ipinanganakhindi batid
Namatayc. 287
Saint-Quentin, France
Benerasyon saSimbahang Katolika Romana
Simbahang Silanganing Ortodokso
Pangunahing dambanaSaint-Quentin, France
Kapistahan31 Oktubre

Ayon sa tradisyon, si San Quintin (d. AD 287) ay isang Romanong martir, at Katolikong santo. Bagaman wala gaanong detalye ang nalaláman tungkol sa kaniyang búhay, sinasabing siya'y anak ng isang senador ng Roma na nagngangalang Zeno, at siya'y naging martir sa Gaul, kung saan siya naglakbay bílang misyonero kasama ni San Luciano de Beauvais.

Nanirahan si Quintin sa Amiens, kung saan sinasabing siya'y nagsagawa ng maraming himala. Nang dahil sa kaniyang gawain bílang mangangaral, siya'y dinakip ni Rictiovarus, isang Romanong opisyal na binalak siyang dalhin sa Reims, na noo'y kabisera ng Gallia Belgica upang doon mahatulan. Habang dumaraan sa kabayanan ng Augusta Veromanduorum (ngayo'y nasa Vermand, Picardy) siya'y mahimalang nakatakas at nagpatuloy sa kaniyang pangangaral. Nang muling madakip, siya'y pinahirapan at ipiniit at doon siya'y pinugutan at itinapon ang mga labí sa Ilog Somme.

Ayon pa rin sa tradisyon, nakuha ang kaniyang bangkay ng isang mayamang babaeng bulag na nagngangalang Eusebia. Habang dala-dala ang mga labí na kaniyang balak ilibing sa labas ng bayan, huminto sa tuktok ng isang buról ang mga bákang may hatak-hatak sa karitela. Inisip ni Eusebia na ito'y isang pangitain, kaya dito ipinatayô ang isang kapilya na kalaunan ay naging Basilika ni San Quintin, at ang lungsod ng Augusta Veromanduorum ay kalaunang ipinangalan kay San Quintin.

Ipinagdiriwang ang kaniyang kapistahan tuwing Oktubre 31, at siya'y patron ng mga magsususi.