Pumunta sa nilalaman

Galen

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Galen
Kapanganakan2nd dantaon (Huliyano)
  • (Asia (lalawigang Romano), Diocese of Asia, praetorian prefecture of the East)
Kamatayan3rd dantaon (Huliyano)[1]
MamamayanSinaunang Roma
Trabahophysician writer, siruhano, biyologo, manggagamot, pilosopo

Si Claudius Galen, Galen, o Galeno (mga 129/130 - 199/200 AD) ay isang Griyegong manggagamot, manunulat, siyentipiko, anatomo at biyologo.[2][3][4] Kilala rin siya bilang Galen ng Pergamum, Galeno ng Pergamo, Galen ng Pergamon, Aelius Galenus, Claudius Galenus[5], o Claude Galien.

Ipinanganak sa Galen sa Pergamo (kilala rin bilang Pergamum at Pergamon, ang pangkasalukuyang Turkiya). Habang nasa gulang o edad na 30, naging isa siyang manggagamot para sa isang paaralan ng mga mandirigmang gladyador sa Pergamo. Sa paglaon, pumunta siya at nanatili sa sinaunang Roma noong mga ika-2 daantaon AD.[3][4]

Kaugnay ng agham

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Bilang siyentipiko

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Isang kopya ng pahina ng manuskritong De Pulsibus ni Galen (Venice, ca. 1550). Nasa wikang Griyego ang trataso o pagtalakay na itong kaugnay ng pintig o pulso. May kaakibat itong salinwikang nasa wikang Latin.

Bilang dalubhasa sa agham, katulad siya ng mga huling siyentipikong Griyego ng kanyang panahon. Natuto siyang gumamit ng pagmamasid o obserbasyon at mga eksperimentasyon o pagsubok sa pagpapalitaw ng bagong mga kaalamang makaagham.[3]

Bagaman nakapag-akda si Galen ng mga sulating pangpanggagamot, kaiba ito mula sa mga inakdaan ni Hippocrates. Hindi nagpapakita ng kahinahunan at kabutihan ng kalooban ang nilalaman ng mga isinulat ni Galen. Subalit mayroong paliwanag si Galen hinggil sa para sa anumang organo ng katawan. Sa kasalukuyang panahon, nababatid ng makabagong mga siyentipiko na marami sa mga pagpapaliwanag ni Galen ang may kamalian. Isa sa mga katangian ni Galen ang hindi pag-amin na walang bagay na hindi niya nalalaman.[3]

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Kasama ni Aristotle, isa si Galen sa mga dakilang biyologo o biyolohista ng sinaunang mundo. Ngunit kaiba si Galen sa mapansining si Aristotle. Tumitingin si Aristotle sa mga bagay bilang mga gayon lamang at nag-iisip ng hinggil sa kalikasan ng mga ito, samantalang si Galen naman ay nakaangat dahil sa kanyang kasanayan at pagkamalikhain sa pagsasagawa ng mga pagsubok o eksperimento.[3]

Nagtuon ng pansin si Galen sa pagdaloy ng dugo habang nasa loob ng katawan. Nakalaan din ang kanyang isipan sa idinudulot ng mga pinsala sa kurdon ng ugat na nerbyong nasa gulugod. Partikular na may kaugnayan sa paralisis at kamatayan. Nakaaangat sa iba si Galen sa loob ng tinataguriang "ikalawang panahon" ng biyolohiya. Pagkaraan ng panahon ni Galen, hindi na naging masiglang agham ang biyolohiya, sapagkat wala itong naging kaunlaran sa loob ng mga Panahong Madilim at ng karamihan ng mga Gitnang Panahon. Muli lamang nagkabuhay o "gumising" ang biyolohiya nang sumapit na ang panahon ng renaissance o "muling pagsilang" ng pagbibigay pansin sa agham.[3]

Bilang anatomo

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa Roma nagsimulang mag-aral ng anatomiya ng hayop si Galen, sa halip na ng sa tao. Bilang anatomo o anatomista, pinag-aralan niya kung paano gumagana ang pamamaraang pisyolohiko ng katawan, na pinaniniwalaang naglalaman daw ng mga espiritung dumadaloy at naglalabas-pasok sa mga arteryo, bena, at mga ugat na nerbyo.[4]

Isang iginuhit na larawan ng wangis ni Galen ng Pergamo.

Mali ang karamihan sa mga ideya ni Galen hinggil sa katawan, sapagkat nakabatay ito sa mga teoriya o panukala lamang. Bumatay din siya sa lumang mga araling-aklat, sa halip na sa aktuwal na pag-aaral ng anatomiya ng tao.[4]

Namayani ang kanyang mga ideya sa loob ng maraming mga taon, na umabot magpahanggang mga 1500. Pagkaraan ng kamatayan ni Galen, itinuro sa mga mag-aaral ng sinaunang panggagamot ang kanyang mga pagtuturo at pamamaraang pangmedisina, na hindi nabago sa loob ng maraming mga daantaon, sa loob ng halos 1,500 mga taon.[3][4]

Bilang manggagamot

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Isa si Galen sa pinakadakilang mga duktor ng medisina noong panahong Alehandriyano, sapagkat isinaayos niya ang umiiral noong mga kaalaman hinggil sa panggagamot. Nakapagdagdag siya ng malaki at malawak na bilang ng mga kabatirang pang-anatomiya at pangmedisina. Malawak ang pagtanggap ng mga dalubhasa sa larangan ng sinaunang medisina ang kanyang mga teoriya o panukala ukol sa panggagamot, sa katawan at mga bahagi nito, at pati hinggil sa mga tungkulin ng mga bahaging ito. Nanatili ang ganitong pagtanggap sa mga panukala ni Galen magpahanggang mga ika-17 daantaon.[3]

  1. https://thesaurus.cerl.org/cgi-bin/record.pl?rid=cnp01235003.
  2. "Galen, 130-200 AD". The Scribner-Bantam English Dictionary (Ang Talahulugang Ingles ng Scribner-Bantam). 1991.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 376.
  3. 3.0 3.1 3.2 3.3 3.4 3.5 3.6 3.7 "Galen, Claudius; Galen; Galen of Pergamon (A.D. 129?-199?), Dictionary Index; Great Biologists of the Ancient World, 'Biology; Conquest of Disease, Diseases; History of Science; Greek and Roman Medicine, History of Medicine". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 64 [sa titik S], 187-188 [sa titik B], 204 [sa titik M]; 213 [sa titik D], at 437 [sa titik G].
  4. 4.0 4.1 4.2 4.3 4.4 Firth, Lesley (Patnugot Panlahat) atbp. (1985). "Galen (c.130-c.200), Who was Galen?". Who Were They? The Simon & Schuster Color Illustrated Question & Answer Book. Little Simon Book, Simon & Schuster, Inc., Lungsod ng Bagong York, ISBN 0671604767.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 98.
  5. "Galen". Encyclopædia Britannica. Bol. IV. Encyclopædia Britannica, Inc. 1984. pp. p. 385. {{cite ensiklopedya}}: |pages= has extra text (tulong)CS1 maint: date auto-translated (link)