Pumunta sa nilalaman

Carpaccio

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Tungkol ito sa isang pagkaing Italyano. Para sa pintor ng ika-15 daang taon, pumunta sa Vittore Carpaccio.
Ang Carpaccio.

Ang Carpaccio (bigkas: /kar-pa-tsi-yo/) ay isang uri ng pagkaing may hilaw na karne o isda, katulad ng karne ng baka, karne ng bulo o karne ng guya, karne ng usa, salmon o tuna, na pangkalahatang hinahati o hinihiwa ng manipis o dinidikdik ng manipis at inihahain bilang isang pampagana o pulutan.

Ayon kay Arrigo Cipriani, ang pangkasalukuyang panahong may-ari ng Harry's Bar sa Benesya, naimbento ang Carpaccio sa Harry's Bar sa Benesya, kung saan una itong inihain sa kondesang si Amalia Nani Mocenigo[1] noong 1950 kung kailan ipinagbigay-alam niya sa may-ari ng bar na inirekomenda sa kanya ng kanyang manggagamot na tanging makakakain lamang siya ng hilaw na karne.[kailangan ng sanggunian] Binubuo ito ng maninipis na mga hiwa ng karneng hila na binihisan ng sarsa ng mustasa.[1] Pinangalanan ang pagkaing ito bilang Carpaccio ni Giuseppe Cipriani, ang dating may-ari ng bar, bilang pagtukoy kay Vittore Carpaccio, isang Benesyanong pintor, dahil sa nakapagpapaalala sa kanya ang mga kulay ng pagkain ng mga larawang ipininta ni Carpaccio.[1]

Batay naman sa isa pang kuwento ukol sa simulain ng bantog na pagkaing ito, isinilang ang Carpaccio sa Restauranteng Savini sa Galleria Vittorio Emanuele sa Milan. Mayroong isang mayamang kagalang-galang na babae, isang pang-araw-araw na parokyano ng kainan, na talagang pinagsabihan ng kanyang duktor na makakakain lamang siya ng karneng hilaw. Noong panahong iyon, hindi katanggap-tanggap sa lipunan ang isang babae na nasa kanyang antas sa lipunan ang umorder ng "karneng hilaw" habang nasa pinaka-eleganteng restaurante sa loob ng lungsod. Isang weyter ang nagmungkahing gumamit ang babae ng ibang pangalan para sa pagkain. Nagkataon namang may isang larawang ipininta ni Vittore Carpaccio na nakasabit sa dingding ng Savini noong panahong iyon, at iminungkahi ng tagapagsilbi na gamiting "pangalang hudyat" o bansag para sa pagkain ang Carpaccio, upang hindi siya mapahiya kapag humihiling ng pagkaing nabanggit.

Sa kasalukuyan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Pangkasalukuyang ginagamit ang katawagan upang tukuyin ang paghahanda ng karne o isdang inihahain ng hilaw at hiniwang manipis. Pangkaraniwan sa mga bahay-kainan ang makakita ng mga prutas na katulad ng Carpaccio ng pinya bilang pamutat o panghimagas.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 1.2 Cipriani, Arrigo (1996). Harry's Bar: The Life and Times of the Legendary Venice Landmark. New York: Arcade. ISBN 1-55970-259-1.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)