User:Ibdmarilao
PAUNANG PAHAYAG:
Ang malaking bahagi ng maikling salaysay sa pagkakatatag ng Iglesia, “ANG BAYAN NG DIOS” ay hango sa nailathalang kasaysayan ng ika-50 taon ng pagkakatatag nito noong taong 1980. Ang mga karagdagang salaysay ay batay na rin sa mga pahayag ng mga nauna at mga kasalukuyang mga manggagawa at ng mga taong may malaking bahagi sa Iglesia, “ANG BAYAN NG DIOS”.
ANG KASAYSAYAN:
Taong 1896, sumiklab ang labanan sa pagitan ng mga Anerikano at mga Kastila na noon ay sakop ang ating bansa. Dito, namulat ang mga Pilipino mula sa bulag na pananambahan hanggang sa liwanag ng ebanghelyo. Sa pamamagitan ng iba’t ibang “Sekta Protestante” ay natawag ang ilang Pilipino sa ebanghelyo. Sa mga ito ay ang Iglesia Metodista Episcopal ang isa sa mga unang Iglesia na kinabilangan ng maraming bumubuo ng Iglesia, “Ang Bayan ng Dios” noon.
Noong taong 1909, isang Nicolas Zamora at mga kasama ang pinili ng Dios na ipakilala kung paanong ang mga Pilipino ay tinuklas ang pagsasarili ay gayon din na may kakayahang mamahala sa bayan at maging sa pananambahan. Bukod dito, ay may karapatang ipinagkaloob ang Dios sa bawat bansa upang sila’y makatawag sa Kanya. Napatatag ang “Iglesia Ebanghelika Metodista En Las Islas Filipinas” (IEMELIF) at dito sito sumipot ang ilang sekta kabilang ang Iglesia, “Ang Bayan ng Dios”.
Napatatag ang Iglesia, “Ang Bayan ng Dios” na sa pasimula ay pinanganlang “Iglesia Repormada” noong ika-14 ng Disyembre, taong 1930. Yao’y naganap ng ika-3 ng hapon sa bahay ng yumaong Pastor Carmelo Duran sa 1031 Santol, Sta. Mesa, Manila. Sa pangunguna ni Pastor Antonio Fajardo at sa pagkakalihim ni Kptd. Eduardo Silva-netto, sa harap ng mga ministro at mga kapatid na kumatawan sa iba’t ibang kongregasyon ay idinaos ang kauna-unahang pagpupulong ng mga nagsipagtatag ng Iglesia. Noon, nagkaisa na magpadala ng kapasyahan ng paghihiwalay sa Iglesia Ebanghelika Repormada na nilagdaan ng mga sumusunod na mga kapatid:
Eduardo Silva-netto
Segundo M. Cruz
Dionicio Giron
Serapio San Luis
Manuel Pabillion
Rosendo Medina
Lucas Maulion
Florencio Giron
Marcelo Sansales
Leoncio Andril
Ricardo Bulaon
Timoteo Santos
Dionisio Obar
Pedro Saklaw
Carmelo Duran
Enrique Francisco
Felisardo Obar
Severo Pangilinan
Santiago Tobias
Vicente Santos
Antonio Fajardo
Luis Fajardo
Francisco Villena
Epifanio Fermin
Pedro Obar
Pagkaraan ng isang Linggo, Disyembre 21, 1930, naghalal ng pamunuan. Napagkaisahang “Pelotilla” ang susunding patakaran sa paghirang ng mga masisibuo ng Lupong Pamunuang Tagapagpaganap ng iglesia sa habang panahon. At nangyari, sa pamamagitan ng ganitong paghirang ay nagkapalad na manungkulan ang mga sumusunod na kapatid:
Superintindente Heneral: Pastor Carmelo Duran
Secretario Heneral: Pastor Segundo Cruz
Tesorero Heneral: Pastor Dionicio Giron
Auditor Heneral: Pred. Manuel Pabillion
Ebanghelista Heneral at Director Heneral ng Escuela Dominical: Pastor Antonio Fajardo
Missionero ng Iglesia: Pastor Luis Fajardo
Lupong Sanggunian:
Pastor Antonio Fajardo
Pastor Vicente Santos
Pred. Timoteo Santos
Pred. Florencio Giron
Pred. Lucas Maulion
Pred. Pedro Obar
Noong Marso 3, 1931, nagpulong at napagkaisahan na Iglesia, “Ang Bayan ng Dios” ang pangalang ipalit sa dating pangalang “Iglesia Repormada”. At sa wakas, ang Iglesia, “Ang Bayan ng Dios” ay kinilala ng pamahalaang bayan nang mapatala noong Setyembre 1, 1932, sa pamamagitan ng Notario Publiko Felix Sta. Ana. At ang nakalagda sa Incorporacion ay ang mga sumusunod na mga kapatid:
Pedro Saklaw
Segundo Cruz
Vicente Santos
Dionicio Giron
Eduardo Silva-netto
Florencio Giron
Lauro Sta. Ana
Pedro Obar
Ricardo Bulaon
Serapio San Luis
Dionicio Obar
Severo Pangilinan
Nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, marami sa mga kapatid ang napawalay sa Iglesia, “Ang Bayan ng Dios”. May mga nagsilikas sa kanilang lalawigan at di na nangatunton, samantalang ang iba naman ay nanatili na sa Iglesia Metodista Episcopal (sapagkat nakisanib ang Iglesia, “Ang Bayan ng Dios” noong panahon ng pananakop ng mga Hapones at muli na lamang nagsarili pagkatapos ng digmaan). Sa pangyayaring yaon ay isang serkuito na lamang ang natirang nakatatag, ang serkuito ng Tinajeros, Malabon na noon ay bayan ng lalawigang Rizal. Nagkaganoon man ay hindi naman nakapanglulumo na ang karamihan sa mga kapatid na napawalay ay patuloy na naglilingkod sa Panginoon na sa ilalim man ng ibang iglesia ay katulad naman ng sa atin.
Taong 1964, nangamatay ng lahat ang mga nagsipagtatag ng iglesia (kung may nabubuhay man ay hindi na matunton). Sa pagkawala ng mga tagapanguna ay parang sisiw na nawalay sa inahin ng wala sa panahon ang nangaiwang mga Ministro, sapagkat yumaon silang di nailipat at naituro sa maiiwan ang mga mahahalagang bagay na kailangan. At bunga noon, ang pagpapatala sa mga Ministro ay napabayaan ng ilang panahon, ang Saligang Batas ng Iglesia ay hindi masumpungan (mabuti na lamang at nakakuha ng kopya kay Pastor Eduardo Silva-netto) at ang katitikan ng mga nagging pagpupulong ay hindi makita (kaya nahirapan din ng pagsulat sa kasaysayang ito). May aral na natutuhan sa nangyaring yaon: Hindi dapat sarilinin ng isang tagapanguna ang lahat ng katungkulan, gawain at nalalaman. Iyan ang naging payo kay Moises ng kanyang biyenang si Jethro, Exodo 18:13-27. Kailangang kumuha ng makakatulong na matuturuan at masasanay, upang may makapalit pagdating ng araw.
Salamat sa mga karanasan na pinasapit ng Panginoon na kaipala’y nagpamulat sa lahat ng mga kapatid. Mula noon ay unti-unti nang nagiging masikap ang mga Ministro at mga kasapi sa lahat ng gawain sa iglesia. At bunga noon, ay lalong naging matatag ang iglesia. Nagkaroon pa ng supling sa nilakarang mga panahon. Noong una ay ang kongregasyon sa Letre, Malabon, Metro Manila at pangalawa ay ipinanganak ang kongregasyon sa Sta. Rosa I, Marilao, Bulacan at ang pangatlo ay ang kongregason sa Tibagan, San Miguel, Bulacan, at sa kasalukuyan ay may pagmimisyon na ginaganap sa San Agustin, San Miguel, Bulacan. Dito ay may dalawang bagay na pinatutunayan ang karanasan: Una, kahit walang sustento ang mga Ministro ay maaaring makapagpatuloy ang isang iglesia, na salungat sa prediksyon ng mga pala-isip na hindi raw magtatagal ang Iglesiang gayon. Pangalawa, maaari ding magpalaganap ng Ebanghelyo kahit ganoon ang patakaran. Sapagkat walang imposible sa sumasampalataya na naghahasik at nagdidilig at lalong walang imposible sa Dios na nagpapalago.
Mula noon, ay may naging pagbabago na sa Iglesia. Ang sustento ng mga manggagawa ay binigyan na ng pansin. Marami ng mga manggagawa ang nagtalaga na ng kanilang mga sarili bilang Full-time Pastor ng ating Iglesia.
Ang Pulong Ministeryal na dati’y taunang ganapin ngayo’y ginaganap na tuwing Sabado ng bawat ikatlong buwan ng taon. Ang Pangkalahatang pagpupulong na ginaganap tuwing unang Sabado ng Pebrero na kinabukasa’y ipinagdiriwang ang anibersaryo ng Iglesia ay inilipat ng maaga ng isang Linggo bago ang anibersaryo upang di magahol sa pagdiriwang nito.
Sa kasalukuyan, binigyang pansin ng pamunuan ang pangangailangan ng pagkilos ng buong Iglesia sa pangitaing ang Iglesia, “Ang Bayan ng Dios” ay nakatalaga sa isang mataas na uri ng paglilingkod at pagpapalaganap ng ebanghelyo ni Jesu-Cristo sa ikaluluwalhati ng Dios, at sa layuning akayin ang bawat tao kay Jesus at maging bahagi ng kanyang sambahayan, hubugin tungo sa paglago at maging handa sa paglilingkod at pagpapalaganap ng Salita ng Dios sa ikaluluwalhati ng Panginoon.
Dahil dito nabuo ang limang pangunahing Ministeryo ng Iglesia na gaganap nang may pagkakaisa:
Mission Ministry: Pastor Michael Santos
Music Ministry: Pastor Ener Mallari
Organizational Ministry: Pastor Ronald Cruz
Christian Education Ministry: Kptd. Robert Velasquez
Finance Ministry: Kptd. Rizal Villanueva
Sa loob ng 75 limang taon, sampu na Ministro na ang nakapanungkulan sa tungkuling Superintindente Heneral. Sila ay sina:
Pastor Carmelo Duran
Pastor Segundo Cruz
Pastor Eduardo Silva-netto
Pastor Apolonio De Los Santos
Pastor Florencio Giron
Pastor Bartolome Cruz
Pastor Dionicio Giron
Pastor Lauro Cruz
Pastor Honorato Martin
Pastor Rizal Giron
At sa kasalukuyan, ang bumubuo ng Lupong Pamunuang Tagapagpaganap ay ang mga sumusunod:
Superintindente Heneral: Pastor Rizal Giron
Ebanghelista Heneral: Pastor Tolentino Soriano, Sr.
Secretario Heneral: Pastor Romeo Cruz
Tesorero Heneral: Pastor Rolando Soriano
Auditor Heneral: Kptd. Melody Caliwag
Ngayon, tayo ay nasa ika-75 taon na ng pagkakatatag, at sa maraming mga pangyayari at karanasan na ating napagtagumpayan, dito ay patuloy nating napatutunayan ang walang hanggang katapatan ng pag-ibig ng Dios sa kanyang bayan. Ang sabi nga ng Banal na Kasulatan sa 1 Pedro 2:9-10, “Datapwat kayo’y isang lahing hinirang, mga saserdote ng Hari, isang bansang nakatalaga sa Dios. Pinili kayo ng Dios upang maging kanya at maghayag ng mga kahanga-hangang gawa niya. Siya rin ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kanyang kagila-gilalas na kaliwanagan. Dati-rati, kayo’y hindi bayan ng Dios, ngunit ngayon, kayo’y bayang hinirang niya. Noon, pinagkaitan kayo ng habag, ngunit ngayo’y sumasainyo ang kanyang awa.”
“PURIHIN NATIN ANG PANGINOON!”
- Mula ito sa nailathalang kasaysayan ng IBD 75th Souvenir Program (2005)
- Visit IBD Marilao Site: http://ibdmarilao.multiply.com/