Pumunta sa nilalaman

Kyoto Animation

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Kyoto Animation
Pangalang lokal
株式会社京都アニメーション
HepburnKabushiki-gaisha Kyōto Animēshon
UriKabushiki gaisha
IndustriyaPaggawa ng anime
Paglilimbag (kalimitan nobelang magaan)
Itinatag1981; 44 taon ang nakalipas (1981)
Punong-tanggapanLungsod ng Uji, Prepektura ng Kyoto, bansang Hapón
Pangunahing tauhan
Hideaki Hatta, pangulo
Yoko Hatta, pangalawang pangulo
Dami ng empleyado
137 (2019) Edit this on Wikidata
SubsidiyariyoAnimation Do (2010–2020, isinama)
Websitekyotoanimation.co.jp

Ang limitadong pribadong kumpanyang Kyoto Animation (Hapones: 株式会社京都アニメーション, Hepburn: Kabushiki-gaisha Kyōto Animēshon), kilala rin sa pinaiksing tawag na KyoAni (京アニ, Kyouani), ay isang istudyong pang-animasyon ng bansang Hapón at tagapaglimbag ng mga nobelang magaan na nakabase sa lungsod ng Uji sa prepektura ng Kyoto. Itinatag ito ng mag-asawang sina Yoko at Hideaki Hatta noong 1981. Kilala ang istudyong ito sa mga teleseryeng anime na ginawa nito, kabilang na ang Suzumiya Haruhi no Yuuutsu (2006 at 2009), Lucky Star (2007), Clannad (2007), K-On! (2009-2010), Free! (2013-2018), Hibike! Euphonium (2015-), Kobayashi-san Chi no Meidoragon (2017-), at Violet Evergarden (2018-). Gumawa rin sila ng mga pelikulang anime, karamihan base sa mga anime na ginawa rin nila (tulad ng Suzumiya Haruhi no Shoushitsu (2011) at Violet Evergarden the Movie (2020)) at isang pinagbasehan mula sa isang serye ng manga (Koe no Katachi, (2016)).

Magkasamang itinatag ng mag-asawang sina Yoko at Hideaki Hatta ang Kyoto Animation, kung saan naging limitadong kumpanya ito noong 1985 at korporasyon noong 1999. Bago ito, nagtrabaho muna si Yoko Hatta, ang pangalawang pangulo ng kumpanya, bilang pintor sa Mushi Production hanggang sa lumipat siya sa Kyoto matapos pakasalan si Hideaki Hatta, ang pangulo ng kumpanya. Galing sa kanji na kyou (京) ang logo ng kumpanya, na hango sa unang karakter ng pangalan ng lungsod at prepektura ng Kyoto (京都).

Bagamat itinatag noong 1981, unang nakapagprodyus ang Kyoto Animation ng teleseryeng anime noong 2003, nang ginawa nila ang seryeng Full Metal Panic? Fumoffu. Naging kilala sila sa mundo ng anime nang nilabas nila ang Suzumiya Haruhi no Yuuutsu noong 2006. Kasabay nito, nilabas nila ang mga pagsasa-anime ng mga sikat na nobelang biswal ng Key na Kanon (2006), Clannad (2007), at ang kasunod nitong Clannad After Story (2008). Noong 2009, inilabas nila ang K-On!, na itinuturing ng ilan bilang ang promotor ng dyanrang moe at ang kaugnay na istilo nito. Sinimulan din noong taóng din iyon ng Kyoto Animation ang taunang Kyoto Animation Awards para sa mga orihinal na nobelang magaan, manga, at scenario. Nililimbag sa ilalim ng imprentang KA Esuma Bunko ng kumpanya ang mga nanalo. Maaari ring magkaroon ang mga ito ng anime, tulad ng mga nangyari sa Chuunibyou demo Koi ga Shitai! (2012), Free! (2013, mula sa nobelang magaan na High Speed!), at Kyoukai no Kanata (2013). Noong 2014, ang nobelang magaan na Violet Evergarden ang kauna-unahan at, sa kasalukuyan, kaisa-isang nanalo ng Pinakamataas na Gatimpala (Grand Prize) sa alinman sa tatlong kategorya. Nagkaroon ito ng anime noong 2018.

Samantala, isina-anime din ng kumpanya ang mangang Nichijou (2011) at ang serye ng mga nobelang magaan na Hyouka (2012). Noong 2013, inilabas nila ang Tamako Market, ang kauna-unahan nilang orihinal na serye, mula sa produksiyon na gumawa rin sa K-On!. Nilabas naman nila ang anime ng nobelang magaan na Hibike! Euphonium noong 2015, mangang Kobayashi-san Chi no Meidoragon noong 2017, at nobelang magaan na Tsurune noong 2018.

Kilala ang Kyoto Animation sa kanilang napaka-makatotohanang istilo ng animasyon (maliban sa ilang mga stylistic na seryeng tulad ng Nichijou at Kobayashi-san), mataas na kalidad ng produksiyon, at sa "pagiging sensitibo sa mga kababalaghan at pag-aalinlangan sa pang-araw-araw na pamumuhay." Di tulad ng karamihan sa mga istudyong pang-animasyon sa bansang Hapón, may sahod ang mga empleyado nito imbes na mga freelance. Ineensayo din ng kumpanya ang mga empleyado nito. Dahil rito, madalas itinuturing ng mga tagalabas bilang nakakahiyakat sa mga empleyado nito na paghusayin pa nang husto ang kalidad ng bawat kwadro imbes na maghabol sa quota ng produksiyon.

Dahil sa epekto ng pandemya ng COVID-19, inanunsyo ng Kyoto Animation ang pansamantalang pagtigil sa operasyon nito nang isang buwan noong Abril. Pinalawig pa ito nang husto hanggang Mayo.

Para makatulong sa mga produksiyon nila, hiwalay na itinatag noong taóng 2000 ang limitadong probadong kumpanyang Animation Do (株式会社アニメーションドゥウ, Kabushiki-gaisha Animēshon Dū). Orihinal na itinatag bilang sangay ng kumpanya sa Osaka, ginawa itong limitadong kumpanya noong 2000 at korporasyon noong 2010. Magkasabay at parehong pinamumunuan ni Hideaki Hatta ang dalawang kumpanya. Nagpoprodyus sila ng mga ilalabas pa lang na mga gawa sa ilalim ng tatak na Animation Do, kung saan pangunahing nangongontrata ang Kyoto Animation, gayundin sa mga gawang magkasama nilang ginagawa ng Kyoto Animation. Sila ang nasa likod ng ilang mga produksiyon ng Kyoto Animation.

Noong ika-16 ng Setyembre 2020, inanunsyo ng pahayagang Kanpou ng Pambansang Tanggapan ng Pag-Imprenta (National Printing Bureau) na isinama (absorb) ng Kyoto Animation ang Animation Do, kasama na ng lahat ng mga kaugnay na pag-aari at karapatan.

Panununog noong 2019

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ilang minuto pagsapit ng 10:30 ng umaga (oras sa Hapón) noong ika-18 ng Hulyo 2019, nagkaroon ng sunog sa unang istudyo ng Kyoto Animation. Unang napaulat itong sinadyang sunugin ng 41 taong gulang na si Shinji Aoba sa pamamagitan ng pagbuhos ng gasolina sa gusali. Agad siyang umamin sa krimen. Sa 70 katao na nasa gusaling iyon noong mga oras na iyon, 36 ang namatay, ang pinakamalalang insidente ng panununog sa bansang Hapón pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. kabilang na ang direktor na si Yasuhiro Takemoto at Yoshiji Kigami. Nagtamo naman ng samu't saring antas ng sugat ang 34 na iba pa, kabilang na ang suspek.

Usbong Ang lathalaing ito ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.