Pumunta sa nilalaman

Julian Banzon

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Julian A Banzon)
Julian Banzon
Si Julian Banzon mula sa Official Gazette ng Republika ng Pilipinas
Kapanganakan25 Marso 1908
  • (Bataan, Gitnang Luzon, Pilipinas)
Kamatayan13 Setyembre 1988
LibinganLibingan ng mga Bayani
MamamayanPilipinas
NagtaposPamantasang Estatal ng Iowa
Trabahobiyokimiko, kimiko

Si Julian A. Banzon (1908 - 1988) ay isang Pilipinong imbentor ng gasolina mula sa Niyog at teknolohiya ng pagproproseso ng Niyog maging sa liblib na lugar. Siya ang nagpasimula ng Food Science and Technology sa Unibersidad ng Pilipinas. Kilala rin siya dahil sa kanyang pagbigay karangalan sa punong niyog bilang mainam na mapagkunan ng pagkain. Dahil sa kanyang mga ambag, siya ay pinarangalan bilang Outstanding Chemistry Graduate ng UP Chemical Society noong 1970, Chemist of the Year noong 1978 at Distinguished Alumnus Award ng Unibersidad ng Pilipinas noong 1986.

Ipinanganak noong Marso 25, 1908 si Julian Banzon sa Balanga, Bataan. Panganay sa labingpitong magkakapatid. Si Manuel ang kanyang ama at si Arcadia naman ang kanyang ina. Namatay ang kanyang inang si Arcadia nang si Julian ay wala pang 10 taong gulang at muling nag-asawa ang kanyang ama.

Si Julian ay mapalad na nakapagpatuloy ng pag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) at nakapagtapos ng BS Chemistry (1930) sa edad na 22.

Ang mga Amerikano noong panahon ng Unang Pandaigdigang Digmaan ay nakapagsulat ng maraming artikulo tungkol sa kagalingan ng mga Aleman sa Chemistry at Physical substances sa kabila ng kanilang pagkatalo sa giyera. Isa sa mga artikulong ito ay nagbigay obserbasyon kung paanong ang kaalyansang grupo ay kupas na ang mga kulay ng uniporme habang nananatiling matingkad ang mga kulay ng sa talunang Aleman. Ito ang nagbigay interes kay Julian upang pag-aralan ang mundo ng Chemistry.

Matapos makapag-aral ay nagturo si Julian sa Kolehiyo ng Agrikultura sa UP, siya ay nabigyan ng scholarship sa University of Iowa, Estados Unidos para sa kanyang Doctorate Degree (Biophysical Chemistry). Ang kanyang dissertation ay maytitulong "Fermentative Utilization of Cassava-Butyl Acetonic Fermentation and Production of Alcohol."

Sa kanyang patuloy na pag-aaral, pagtuturo at pamumuno bilang Agriculturist at Chemist, nakapagdisenyo siya ng isang teknolohiya ng pagpoproseso ng niyog maging sa liblib na lugar ng bansa, na malaki ang naitulong sa industriya ng kopra sa Pilipinas. Naipakita niyang ang niyog ang pinakamainam na tanim para sa bansa sapagkat madali itong tumubo kahit saan (sa lupa, bundok, o sa tabing dagat man). Marami siyang naisulat na mga pag-aaral.

Hindi puwedeng makalimutan ang napakaraming kontribusyon ni Julian Sanzon sa pagbibigay solusyon sa kahirapan at kagutuman na kinakaharap ng Pilipinas noon at ngayon. Siya ang nagbigay diin na:

  • Maaaring makagawa ng bigas mula sa cassava;
  • Maaaring makagawa ng iba't ibang uri ng gatas mula sa niyog (filled milk, toned milk, vegetable milk at synthetic milk) bilang kapalit ng mga mamahaling gatas mula sa iba't ibang bansa;
  • Maaaring magamit ang gata ng niyog upang ang gatas ng baka ay maging masarap na inumin (beverage), evaporada at kondensadang gatas.