Pumunta sa nilalaman

Te Deum

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Isang Himno ng Simbahan)

Ang Te Deum (kikilala rin bilang Himnong Ambrosiano o Isang Awitin ng Simbahan) ay isang himno ng papuri ng sinaunang mga Kristiyano. Ang pamagat ay kinuha mula sa pambungad nitong mga salitang Latin na Te Deum laudamus, na may kahulugang "Ikaw, O Diyos, pinupuri namin".

Ang himno ay nananataling ginagamit sa Simbahang Katoliko tuwing Maitines (Matins) na matatagpuan sa Panalangin ng mga Kristiyano sa Maghapon, at bilang pagpapasalamat sa Diyos dahil sa isang natatanging pagpapala na katulad ng paghalal ng isang papa, konsekrasyon ng isang obispo, kanonisasyon ng isang santo, isang propesyong relihiyoso, ang paglalathala ng isang tratado ng kapayapaan, isang koronasyong maharlika, atbp. Inaawit ito tuwing pagkatapos ng Misa o ng Oficio Divino o bilang isang nakabukod na seremonyang panrelihiyon.[1] Ang himno ay nananatali pa ring ginagamit sa Komunyong Anglikano at ilang mga Simbahang Lutherano sa kahalintulad na mga tagpuan.

Sa nakatatandang uso ng Rito Romano, ang Te Deum ay inaawit sa hulihan ng Maitines sa lahat ng mga araw kapag binabanggit ang Gloria sa Misa; ang mga araw na ito ay ang lahat ng mga araw ng Linggo maliban sa panahon ng Adbiyento, Septuagesima, Mahal na Araw, at Pagpapakasakit; sa lahat ng mga kapistahan (maliban sa Triduum) at sa lahat ng mga libreng araw (feria) tuwing Panahon ng Pasko ng Pagkabuhay. Bago ang mga reporma noong 1962, kapwa hindi sinasambit ang Gloria at ang Te Deum sa pista ng Mga Sanggol na Walang Malay, maliban kung ito'y matataon sa araw ng Linggo; ito'y dahil naging martir sila bago ang kamatayan ni Kristo at kung gayon ay hindi kaagad makapagkakamit ng pananaw na beatipiko.[2] Ang isang indulhensiyang plenaryo o buong pagpapatawad ng mga parusa ng Diyos gawa ng kasalanan ay iginagawad sa mga bumibigkas nito kasama ang bayan tuwing Bisperas ng Bagong Taon.[3]

Sa Panalangin ng mga Kristiyano sa Maghapon ni Papa Pablo VI, ang Te Deum ay inawit sa hulihan ng Maitines sa lahat ng mga Linggo maliban na lamang kung sa Kuwaresma, sa lahat ng mga seremonya ng kataimtiman, kabilang na ang mga Oktaba ng Pasko ng Pagkabuhay at ng Pasko ng Pagsilang, at sa lahat ng mga kapistahan.[4] Ginagamit din ito sa piling ng pamantayang mga kantikulo na nasa ng Panalangin sa Umaga ayon sa pag-aatas ng Angglikanong Aklat ng Karaniwang Panalangin, sa loob ng Maitines para sa mga Lutherano, at pinanatili ng maraming iba pang mga simbahan na nasa tradisyon ng mga Repormado.

Isang bahagi ng pagtatakda ng Te Deum na ginawa ni Marc-Antoine Charpentier ay ang antem o awit ng Eurovision. Ang preludo o pambungad na instrumental ay pinatugtog sa pagbubukas, mga interbal at pagsasara o pagwawakas ng palabas.

Teksto ng Te Deum

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Narito ang salin ni Msgr. Jose Abriol ng Te Deum (nang may ilang pagsasa-ayos) sa halaw mula Rito ng Pag-iisang Dibdib na inilathala noong 1965:

  1. Pinupuri ka namin, O Diyos*; ipinagdarangal ka, O Panginoon.
  2. Ang sanlibutan ay nagbubunyi sa iyo*, Amang walang hanggan.
  3. Nagpupuri sa iyo ang lahat ng mga Anghel*, ang buong kalangitan at sansinukob.
  4. Ang mga Kerubin at Serapin* ay walang humpay na nagbubunyi sa iyo:
  5. Santo, Santo, Santong* Panginoong Diyos na makapangyarihan.
  6. Napupuno ang langit at lupa* ng kaluwalhatian mo.
  7. Ang dakilang koro ng mga Apostol,*
  8. Ang di mabilang na mga propeta,*
  9. Ang maluwalhating mga martir* ay nagdarangal sa iyo.
  10. Sa buong sanlibutan, ang Santa Iglesia* ay nag-uukol ng papuri sa iyo:
  11. Amang* walang hanggan,
  12. Sa iyong* bugtong na Anak
  13. At sa* Espiritu Santo.
  14. Ikaw ang Hari* ng kaluwalhatian,
  15. O Kristo, * walang hanggang Anak ng Ama.
  16. Upang iligtas ang tao,* minarapat mong tumahan sa sinapupunan ng Mahal na Birhen.
  17. Nilupig mo ang kamatayan* upang buksan ang pintuan ng langit sa mga sumasampalataya.
  18. Nakaluklok ka sa kanan ng* maluwalhating Ama.
  19. Ikaw ang huhukom* sa sangkatauhan.
  20. † Kaya hinihiling naming saklolohan ang iyong mga lingkod* na tinubos mo sa iyong mahal na Dugo. †
  21. Isama mo sila sa piling* ng iyong mga banal sa Langit.
  22. Iligtas ang iyong bayan, Panginoon, * at basbasan ang iyong pamana.
  23. Patnubayan mo sila* at gantimpalaan sa buhay na walang hanggan.
  24. Sa araw-araw ay* magpupuri kami sa iyo.
  25. At pararangalan ang iyong pangalan* magpakailanman.
  26. Ingatan mo nawa kami, Ama* sa araw na ito upang huwag kaming magkasala sa iyo.
  27. Kaawaan mo kami, Panginoon,* kaawaan mo kami.
  28. Magdalang-awa ka sa amin, Ama,* sapagka't umaasa kami sa iyo.
  29. Sa Iyo ako umaasa, Panginoon,* huwag sana akong mabigo kailanman.


V. Pinupuri ka namin, Panginoon; Diyos ng aming mga ninuno

R. Karapat-dapat kayong parangalan at dakilain magpakailanman.

V. Purihin natin ang Ama, at ang Anak, at ang Espiritu Santo.

R. Purihin at ipagdangal siya magpakailanman.

V. Purihin ka sa buong sangkalangitan.

R. Karapat-dapat kang awitan at dakilain magpakailanman.

V. Ang Panginoon ay papurihan, O aking kaluluwa,

R. At huwag mong kalimutan ang lahat niyang mga biyaya.

V. Panginoon, dinggin mo ang aking panalangin.

R. Makarating nawa sa iyo ang aking pagdaing.


Kung pari, idaragdag ang:

V. Sumainyo ang Panginoon.

R. At sumaiyo rin.


Manalangin tayo.

O Ama, ang iyong awa ay walang hanggan, ang iyong kabutihan ay di masusukat. Nagpapasalamat kami dahil sa iyong mga biyaya at humihingi ng iyong habag.  Paunlakan mo ang mga nagmamakaawa, at huwag silang pabayaan.

O Diyos, na sa liwanag ng Espiritu Santo ay nagturo Ka sa puso ng mga tapat,  ipagkaloob Mo na sa pamamagitan na rin ng Espritung iyan ay malaman namin ang matuwid at matamasang palagi ang Kanyang pag-aliw.

Hindi mo ipinahihintulot, Panginoon, na magdusa ang sino mang umaasa sa iyo, sa halip siya'y pinakikinggan mo. Pakundanagan sa aming mga pagsasamo at taos-pusong pasasalamat buong awa mo kaming iadya sa lahat ng ligalig.


V. Panginoon, dinggin mo ang aking panalangin.

R. Makarating nawa sa iyo ang aking pagdaing.


Kung pari o diakono, idaragdag ang:

V. Sumainyo ang Panginoon.

R. At sumaiyo rin.

V. Pagpalain kayo ng makapangyarihan Diyos: Ama, Anak, + at Espiritu Santo.

R. Amen.V. Humayo tayong mapayapa.

R. Salamat sa Diyos.


Kung walang pari o diakono, matatapos ito sa ganitong pamamaraan, kung saan lahat ay mag-aantanda ng krus:

V. Pagpalain at kalingain nawa tayo ng makapangyarihan at mahabaging Diyos: Ama, Anak, at Espiritu Santo.

R. Amen.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "The Te Deum (cont.)". Musical Musings: Prayers and Liturgical Texts — The Te Deum. CanticaNOVA Publications. Nakuha noong 2007-07-07.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. Public Domain Herbermann, Charles, pat. (1913). "Holy Innocents". Catholic Encyclopedia (sa wikang Ingles). New York: Robert Appleton Company. Nakuha noong 2010-04-14.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. "Te Deum". Inarkibo mula sa orihinal noong 2012-01-08. Nakuha noong 2011-12-31.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. "General Instruction of the Liturgy of the Hours". Inarkibo mula sa orihinal noong 2019-07-05. Nakuha noong 2007-12-02.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)