Huwebes Santo
Huwebes Santo | |
---|---|
Ipinagdiriwang ng | Kristiyano |
Uri | Kristiyanismo |
Kahalagahan | paggunita sa paghuhugas ng paa sa mga Apostol at ang Hulíng Hapunan ni Hesus |
Mga pamimitagan | Misa |
Petsa | Easter − 3 days |
Kaugnay sa | Mahal na Araw |
Ang Huwebes Santo (mula sa Kastila: Jueves Santo) ay isang Kristiyanong kapistahan o banal na araw na natataon tuwing Huwebes bago ang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay na gumugunita sa Hulíng Hapunan ni Hesukristong kapiling ang mga apostol. Ito ang ikalimang araw ng Mahal na Araw, at nauuna rito ang Miyerkules Santo at sinusundan ng Biyernes Santo, ito rin ay sinisimulan ng Simbahang Katolika ang mga Banal na Tatlong Araw na naghudyat sa pagwakas ng Kuwaresma.
Sa araw na ito, apat na kaganapan ang inaalala: ang paghuhugas ng paa ng mga apostol ni Hesus, ang pagtatalaga ng Misteryo ng Banal na Eukaristiya sa Huling Hapunan, ang pananalangin ni Hesus sa halamanan ng Getsemani, at ang pagkakanulo kay Kristo ni Judas Iscariote.
Pagdiriwang sa Pagtatakipsilim ng Paghahapunan ng Panginoon
[baguhin | baguhin ang wikitext]Paglubog ng araw ng Huwebes Santo, pumapasok ang buong Simbahan sa pinakabanal na tatlong araw sa pananampalataya. Ipinagdiriwang sa gabíng ito ang Pagdiriwang sa Pagtatakipsilim ng Paghahapunan ng Panginoon (Evening Mass of the Lord’s Supper). Sa gabíng ito, ginugunita at ginaganap ang pagtatatag ng Panginoon ng Eukaristiya, ang iniwan niya sa ritwal na pag-alala ng kaniyang pag-aalay ng katawan at dugo sa krus. Itinatag din niya ang banal na orden na siyang mamumuno sa pamayanan sa pag-alalang ito. Ang dalawang pagtatatag na ito ay tumuturo naman sa pinakamahalagang punto ng gabí: ang utos ng pagmamahal. Ang gagawin na pag-aalay ni Kristo ng kaniyang katawan at dugo sa krus sa kinabukasan, ang pag-aalay niya ng kaniyang katawan at dugo sa krus sa kinabukasan sa Eukaristiya at pag-aalay na gaganapin at isasabuhay ng banal na orden ay paraan ng pagpapahayag niya ng kaniyang pag-ibig – pag-ibig na siya nating dapat tularin.[1]
Mga Paghahanda
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang Adoration chapel ay dapat na nakapinid. Wala rin dapat laman, o may takip ang Baptismal Font. Ang mga lumang langis para sa Maysakit at Banal na Krisma ay dapat nang sinunog bilang langis sa lampara sa may Banal na Sakramento. Gagayakan ng bulaklak ang santuaryo ngunit hindi dapat singdami ng sa Sabado de Gloria. Ang mahalaga sa Huwebes Santo, una, ay ang Altar ng Santuaryo sapagkat dito gaganapin ang Eukaristiya.
Pasimula
[baguhin | baguhin ang wikitext]Magsisimula ang pagdiriwang sa pagpasok, na karaniwan sa Misa. Sa pagpasok na ito, maaaring kasáma ang mga táong may gagawin sa pagdiriwang – mga lingkod sa dambana, mga tagabása, mga huhugasan ang paa, mga tagapagbigay ng komunyon at mga pari. Dala ng mga lingkod ang insensaryo, krus, mga kandila at maaari nilang dalhin ang mga gagamiting sa paghuhugas; maaaring ilagay ang mga ito sa isang lugar sa santuaryo (ngunit hindi sa may altar) bilang paalala sa mga nagsisimba na may hugasang mangyayari. Dala naman ng diakono o ng tagabása ang Aklat ng Mabuting Balita at ipapatong ito sa altar. Maaaring magsuot ang mga huhugasan ang paa ng espesyal na gayak na magsasabing sila ang huhugasan ng paa, ngunit hindi ito kailangan. Ang mga pari ay nakasuot ng puti.
Gaganapin ang Pasimula sa karaniwang paraan. Dahil ito ay isang solemnidad ng pagkatatag ng Eukaristiya, aawitin ang Papuri sa Diyos. Sa pag-awit ng Papuri sa Diyos, patutunugin ang lahat ng batingaw sa simbahan at pagkatapos nito, ang mga ito ay itatabi at di na patutunugin hanggang sa Papuri sa Diyos ng Magdamagang Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (Easter Vigil). Tradisyon ng Simbahang Romano ang hindi pagtugtog ng organ pagkatapos ng Papuri sa Diyos, at muling pagtugtog nito sa Papuri sa Diyos ng Easter Vigil. Pagkatapos ng Papuri sa Diyos ay ipapahayag ng tagapamuno ang Panalanging Pambungad.
Liturhiya ng Salita ng Diyos
[baguhin | baguhin ang wikitext]Sa Liturhiya ng Salita ng Diyos, mayroong tatlong pagbása kasáma ang Mabuting Balita. Inuugnay sa unang pagbása ang hapunang pampaskuwa ng mga Israelita sa Eukaristiya (ang Paschal meal ay paggunita sa kaligtasan mula sa Ehipto). Sa ikalawang pagbása naman itinuturo ni Apostol San Pablo na ang Eukaristiya ay pamana sa atin ng Panginoon bilang pag-alala sa kaniya hanggang sa kaniyang pagbabalik. Ang Mabuting Balita ay patungkol sa paghuhugas ng paa na konkretong pagpapakita ng Panginoon ng kaniyang utos na magmahal. Maganda kung kakantahin ang Salmong Tugunan. Hindi pa rin maaaring umawit ng Aleluya kung kaya’t ang gagamitin ay mga pamalit dito. Sa Homiliya, ipaliliwanag ng tagapamuno o homilist ang mga misteryong ipinagdiriwang sa gabing ito.
Paghuhugas ng Paa
[baguhin | baguhin ang wikitext]Pagkatapos ng homiliya ay gaganapin ang paghuhugas ng paa. Gagawin ito nang walang sinasabi ang maghuhugas at huhugasan habang ang pamayanan ay umaawit ng angkop na awitin. Hindi ito panahon para magsariwa ng mga pangako sa ordinasyon ang pari – ginawa ito ng Huwebes Santo ng umaga sa Katedral; hindi rin ito panahon para ituro kung paano isasabuhay ang paglilingkod – ito ay ginawa na dapat sa homiliya. Ang mga salita sa bahaging ito ay makasisira lamang sa kapangyarihan ng mga kilos.
Panalangin ng Bayan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Pagkatapos ng paghuhugas, gaganapin ang Panalangin ng Bayan. Kung may kagustuhan na makapagsalita ang mga hinugasan, maaari silang pagbasahin ng mga pagluhog sa Panalangin ng Bayan. Maaari rin namang basahin ito ng ilang piniling bahagi ng pamayanan.
Paghahanda ng mga Alay
[baguhin | baguhin ang wikitext]Sa Paghahanda ng mga Alay (Preparation of Gifts), maaaring dalhin ang Langis para sa Maysakit at Banal na Krisma na nakuha mula sa Misa ng Huwebes Santo nang umaga. Tatanggapin ito sa pamamagitan ng rite na nasa pahina . Sa gabing ito, kasama sa tinapay at alak ang mga alay para sa mga mahihirap (gifts for the poor) na gawain sa lahat ng Misa mula pa noong sinaunang Simbahan. Ipinakikita dito ang kaugnayan ng pagdiriwang ng pagsamba sa mga panlipunang tungkulin na kalingain ang kapwa lalo na ang nangangailangan. Maaaring magdala ang mga tao ng mga bagay na maaaring mapakinabangan ng mga mahihirap. Iwasan ang pag-aalay ng bulaklak at kandila, sapagkat ang mga palamuting ito ay dapat nang nakalagay sa altar bago pa magsimula ang pagdiriwang.
Dahil walang Liturhiya ng Eukaristiya sa susunod na araw, doble ang kailangang ostiya para sa gabing ito. Maghahanda dapat ng ipangpapakinabang para sa Biyernes Santo.
Magandang makapakinabang ang mga tao sa parehong tinapay at alak, ngunit huwag itong ipipilit kung sa sobrang daming tao ay magtatagal masyado ang pagdiriwang (pero hindi ibig sabihin, paiiksiin ang pagdiriwang; handa dapat ang mga tao sa mahabang pagmimisa). Kapag ganito ang mangyayari, maghahanda dapat ng maraming kalis at maraming alak. Ang lahat ng magiging dugo ni Kristo ay kailangang ubusin sa pakikinabang. Kung makikinabang sa dugo ni Kristo, maaaring isawsaw ang katawan sa dugo bago isubo o maaaring ibigay ang katawan at painumin sa kalis (ang mga mungkahing ito ay nakadepende kung alam ng mga nagsisimba kung paano ito gagawin, mas madali yaong unang mungkahi kung hindi alam ng mga tao).
Apat na Kilos ng Eukaristiya
[baguhin | baguhin ang wikitext]Dahil ang pagdiriwang na ito ay paggunita sa pagtatatag ng Eukaristiya, hindi dapat madaliin ang mga mahahalagang kilos ng Eukaristiya – ang pagtanggap, pagpapasalamat, paghahati-hati at pagbibigay (take, give thanks, broke and give). Gagamitin ang una o ang ikatlong Panalangin ng Pagpupuri’t Pasasalamat (Eucharistic Prayer) sa halip na pangkaraniwang ginagamit na ikalawa. Dahil sa istruktura ng ikaapat, hindi ito maaaring gamitin sapagkat hindi maaaring palitan ang prepasyo nito.
Walang Paghayo, Mayroong Paglalagak
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang kakaiba sa pagdiriwang na ito ay hindi pagkakaroon ng paghayo sa katapusan. Ito ay sapagkat ang paghayo ay mangyayari sa katapusan ng pagdiriwang sa Sabado de Gloria (i.e. Easter Vigil). Sa halip ay pagkatapos ng mga patalastas, gaganapin ang paglilipat ng Banal na Sakramento sa Altar of Repose (para sa paksang ito, basahin sa pahina ). Sa ciborium nakalagay ang katawan ni Kristo at hindi sa monstrance. Maaari rin itong lagyan ng belo. Ipuprusisyon ito mula sa altar patungo sa paglalagyan nito hanggang sa Biyernes Santo habang umaawit ng Pange Lingua o ibang angkop na awit. Sa prusisyong ito, nangunguna ang krus, mga kandila at insensaryo at ang Banal na Sakramento na napapayungan ng pallium. Para sa dagdag na pakikibahagi ng mga tao, maaari silang pagdalahin ng kandila na maaaring gawing palamuti sa Altar of Repose. Pagdating sa Altar of Repose, ilalagay ang Banal na Sakramento sa loob, iinsensuhan at aawit ng Tantum Ergo at isasara ito. Hindi dapat nakalabas ang Banal na Sakramento dahil hindi ito Exposition kungdi ito ay Reposition. Maaaring magkaroon ng vigil sa harapan nito ngunit matatapos dapat ito pagdating ng hatinggabi.
Tatanggalin ang lahat ng gayak ng altar, mga bulaklak, kandila at iba pa. Kung hindi pa natatakpan ang krus bago mag-ikalimang Linggo ng Kuwaresma, dapat na itong takpan. Maaari na ring takpan ang mga santo at imahen. Ito ang tanda na tapos na ang pagdiriwang sa gabing ito.