Pumunta sa nilalaman

Cimabue

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Cenni di Pepo Giovanni Cimabue)
Krusipiho, 1287-1288, panel, 448 x 390 sm
Basilica di Santa Croce, Florencia.

Si Cimabue, (c. 1240 - c. 1302), ay isang pintor ng sining mula sa Florencia, Italya noong Panahong Medyibal. Ceni di Peppi ang tunay niyang pangalan. Ngunit kilala rin siya bilang Cenni di Pepo Giovanni Cimabue, Giovannie Cimabue, Bencivieni di Pepo, at bilang Benvenuto di Giuseppe sa makabagong wikang Italyano. Nagpinta siya ng malalaking mga ikono sa estilong Bisantino, at ang unang dakilang magpipinta sa lungsod ng Florencia. Kabilang sa mga natitiyak na gawang ng tagapagpintang ito ang mosaiko ng Si Kristo sa Mahestiya sa loob ng Katedral ng Pisa at dalawang napakalaking nasirang mga presko sa loob ng Simbahan ng San Francisco sa Asisi.

Pinaniniwalaang pinakatanyang na pinta ni Cimabue ang "Madona ng Santa Trinita", na isang piyesang pangdambana na ginawa para sa Simbahan ng Banal na Katatluhan, isang akdang kasalukuyang nasa Tanghalang Uffizi sa Florencia. Pinaniniwalaan ring nagpinta siya ng dalawang malaking krusipihong nakasabit sa Simbahan ni San Dominiko sa Arezzo at sa Simbahan ng Banal na Krus (sa Santa Croce, Florencia). Nasira ang krusipiho ng Santa Croce dahil sa isang baha at kasalukuyang nasa loob ng museo ng simbahan.

Nagsulat ang mananalambuhay na si Giorgio Vasari ng ukol sa buhay ni Cimabue, makaraan ang 250 mga taon mula noong mamamatay ito. Kabilang sa naisulat ang hinggil sa isang araw na paglalakad ni Cimabue sa isang kanayunan, nakakita ito ng isang batang pastol na umuukit ng larawan ng isang tupa sa ibabaw ng isang bato. Napakagaling ng pagkakaguhit ng larawan kaya't pinuntahan ni Cimabue ang ama ng bata upang magmakaawang maisama niya ang batang lalaki upang maging kanyang estudyante, at nang maturuang magpinta. Si Giotto ang batang ito, na naging isang napakabantog na magpipinta at itinuturing bilang pinakaunang pinto ng Italyanong Renasimiyento.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • Giorgio Vasari, Lives of the Artists, (1568), edisyon ng 1965, isinalin ni George Bull, Penguin, ISBN 0-14-044164-6
  • Frederick Hartt, A History of Italian Renaissance Art, (1970) Thames at Hudson, ISBN 0-500-23136-2
  • Helen Gardner, Art through the Ages, (1970) Harcourt, Brace at World, ISBN 155037628
  • Ilan Rachum, The Renaissance, an Illustrated Encyclopedia, (1979) Octopus, ISBN 0-7064-0857-8
  • Luciano Berti, Florence: the city and its art, (1971) Scala, ISBN (hindi alam)
  • Luciano Berti, The Ufizzi, (1971) Scala, Florencia. ISBN (hindi alam)