Pumunta sa nilalaman

Sining ng Pakikidigma

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Sining ng Pakikidigma
May-akda(trad.) Sun Tzu
BansaTsina
WikaTsino
PaksaSining ng militar
Petsa ng paglathala
Ika-5 siglo BCE
Sining ng Pakikidigma
Tradisyunal na Tsino孫子兵法
Pinapayak na Tsino孙子兵法
Kahulugang literal"Mga Pamamaraan sa Militar ni Maestrong Sun"

Ang Sining ng Pakikidigma[1] (Tsino: 孫子兵法; pinyin: Sūnzǐ bīngfǎ; lit.: "Mga Pamamaraang Militar ni Sun Tzu") ay isang kasunduang militar sa sinaunang Tsina mula sa pahuli ng Panahon ng Tagsibol at Taglagas (halos ika-5 siglo BK). Binubuo ng 13 kabanata ang gawain na iniuukol kay Sun Tzu ("Maestrong Sun"), isang estratehistang militar noong sinaunang Tsina. Nakatuon ang bawat kabanata sa isang kasanayan o sining na may kaugnayan sa pakikidigma at kung paano ito nailalapat sa mga diskarteng at taktikang militar. Sa halos 1,500 taon, ito ang nangibabaw na teksto sa isang antolohiya na ginawang pormal bilang ang Pitong Klasikong Pangmilitar ni Emperador Shenzong ng Song noong 1080. Nananatiling pinakamaimpluwensyang teksto ng diskarte sa pakikidigma Silangang Asya ang Sining ng Pakikidigma.[2] May impluwensya rin ito sa mga militar na teorya at pag-iisip ng Silangan at Kanluran, at nailapat sa napakaraming mapagkompitensiyang pagsisikap sa modernong mundo na walang kinalaman sa militar tulad ng paniniktik,[3] kultura, politika, pagnenegosyo, at palakasan.[4][5][6][7]

Naglalaman ang libro ng detalyadong paliwanag at pagsusuri ng militar ng Tsina noong ika-5 siglo, mula sa mga sandata, kondisyon sa kapaligiran, at diskarte hanggang sa ranggo at disiplina. Binigyang-diin din ni Sun Tzu ang kahalagahan ng mga operatibang intelihensiya at paniniktik sa pagpupunyagi sa giyera. Itinuturing si Sun Tzu bilang isa sa mga pinakamagaling na estratehistang militar at analista ng kasaysayan, at naging batayan ang kanyang mga pagtuturo at mga diskarte sa nakahihigit na pagsasanay-militar sa buong mundo.

Isinalin ang libro sa wikang Pranses at inilathala noong 1772 ng Heswitang Pranses na si Jean Joseph Marie Amiot; nailathala ito muli noong 1782. Tinangka ang bahagyang pagsasalin sa Ingles ni Everard Ferguson Calthrop, isang Britong opisyal noong 1905 sa ilalim ng pamagat na The Book of War ("Ang Aklat ng Pakikidigma"). Nakumpleto at nailathala noong 1910 ang unang anotadong pagsasalin sa Ingles ni Lionel Giles.[8] Binanggit na nabigyang-inspirasyon ng aklat ang mga ilang pinunong militar at pampulitika tulad ni Mao Zedong, ang Tsinong komunista't rebolusyonaryo; Takeda Shingen, ang Hapones na daimyō; Võ Nguyên Giáp, ang heneral ng Biyetnam; at Douglas MacArthur at Norman Schwarzkopf Jr., mga Amerikanong heneral-militar.[9]

Teksto at komentaryo

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang Sining ng Pakikidigma ay kamihasnang naiiugnay sa isang heneral-militar mula noong huling bahagi ng ika-6 na siglo BK na kilala bilang "Maestrong Sun" (Mandarin: "Sunzi", "Sun Tzu" dati), kahit marahil na mapepetsahan ang pinakaunang bahagi nito sa 100 taon pagkalipas ng panahong iyon.[10] Ang akda ni Sima Qian noong ika-1 siglo BK na Talaan ng Dakilang Mananalaysay (Shiji), ang una sa 24 na kasaysayang dinastiko ng Tsina, ay nagtala ng maagang tradisyon ng Tsina na nagsasabi na isinulat ang isang teksto sa mga bagay-militar ng isa na may pangalang "Sun Wu" (孫武) mula sa Estado ng Qi, at binasa at pinag-aralan ang tekstong ito ni Haring Helü ng Wu (r. 514–495 BK).[11] Ayon sa kaugalian, kinilala ang tekstong ito sa natanggap na Master Sun's Art of War ("Sining ng Pakikidigma ni Maestrong Sun"). Ang karaniwang pananaw — na ipinapaniwala pa rin nang marami sa Tsina — ay isang teoristang militar si Sun Wu mula sa katapusan ng kapanahunan ng Tagsibol at Taglagas (776–471 BK) na tumakas sa kanyang tahanang bayan ng Qi sa timog-silangang kaharian ng Wu, kung saan pinaniniwalaan na hinangaan siya ng hari dahil sa kanyang kakayahang humutok kahit na sa mga mahinhing kababaihan ng palasyo sa pakikidigma at magpalakas ng mga hukbong-kati ni Wu na makapaghamon sila sa kanilang mga karibal sa kanluran sa estado ng Chu.[12]

Si Cao Cao, isang diskartista, makata, at mandirigma sa unang bahagi ng ika-3 siglo PK ay nagsulat ng pinakaunang kilalang komentaryo sa Sining ng Pakikidigma.[11] Malinaw sa paunang salita ni Cao na binago niya ang teksto at tinanggal ang ilang mga sipi, ngunit hindi malinaw kung gaano kaiba ang mga pagbabago niya sa kasaysayan.[11] Ang Sining ng Pakikidigma ay lumilitaw sa mga katalogong pambibliograpiya ng mga kasaysayan ng mga dinastiko ng Tsino, ngunit iba-iba ang mga listahan ng mga dibisyon at laki nito.[11] Noong unang bahagi ng ika-20 siglo, tineorya ni Liang Qichao, isang manunulat at Tsinong repormador, na isinulat ang teksto noong ika-4 na siglo BK ng purong inapo na si Sun Bin batay sa mga ibinanggit ng mga makasaysayang sanggunian na may sinulat siyang kasunduang militar.[11]

Noong mga ika-12 siglo, nagsimulang mag-alinlangan ang ilang mga iskolar kung nabuhay talaga si Sunzi dahil sa mga batayan na hindi siya nabanggit sa makasaysayang klasikong Ang Komentaryong Zuo (Zuo zhuan 左傳) na nagbabanggit ng karamihan sa mga kilalang tauhan mula sa kapanahunan ng Tagsibol at Taglagas.[11] Hindi lumilitaw ang pangalang "Sun Wu" (孫武) sa anumang teksto bago ang Records of the Grand Historian ("Talaan ng Dakilang Mananalaysay"), [12] at pinaghihinalaang isang gawa-gawa na may-kinakalarawang palayaw na nangangahulugang "ang puganteng mandirigma": ipinakahulugan ang apelyidong "Sun" bilang kaugnay na termino sa "pugante" (xùn ), habang ang "Wu" ay ang sinaunang Tsinong birtud na "panghukbo, magiting" ( ) na tumutugma sa papel ni Sunzi bilang doppelgänger ng bayani sa kuwento ni Wu Zixu.[12] Hindi tulad kay Sun Wu, tilang totoong tao si Sun Bin na naging tunay na awtoridad sa mga bagay ng militar, at marahil na naging inspirasyon para sa paglikha ng makasaysayang tauhan na "Sunzi" sa pamamagitan ng isang anyo ng euhemerismo.[12]

Ang pagtuklas ng libingan sa Yinqueshan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Noong 1972, natuklasan ang mga piraso ng Yinqueshan Han sa dalawang libingan ng dinastiyang Han (206 BK – PK 220) malapit sa lungsod ng Linyi sa lalawigan ng Shandong.[11] Kabilang sa mga mararaming sinulatan na piraso ng kawayan sa mga libingan na na-seal sa pagitan ng 134 at 118 BK, ayon sa pagkakabanggit ay dalawang magkahiwalay na teksto: isa na naiugnay kay "Sunzi" na naaayon sa natanggap na teksto, at isa pang naiugnay kay Sun Bin na nagpapaliwanag at nagpapalawak sa naunang Ang Sining ng Pakikidigma ni Sunzi.[11] Nagsanib-sanib ang mga laman ng teksto ni Sun Bin sa karamihan ng tekstong "Sunzi", at marahil na ang dalawa ay "isang solong, patuloy na pagbuo ng tradisyonal na tradisyon na pinagsama sa ilalim ng pangalang Sun".[13] Ipinakita nitong pagtuklas na ang karamihan sa makasaysayang pagkalito ay dahil sa pagkakaroon ng dalawang teksto na maaaring itukoy bilang "Sining ng Pakikidigma ni Maestrong Sun", hindi lang isa.[11] Halos isang-katlo ng mga kabanata ng modernong Ang Sining ng Pakikidigma ang nilalaman ng naunang teksto, at halos magkatugma ang kanilang mga teksto.[11] Tanggap na ngayon na nakumpleto ang mas naunang Ang Sining ng Pakikidigma sa pagitan ng 500 at 430 BK.[11]

Ang 13 kabanata

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Nakahati ang Sining ng Pakikidigma sa 13 mga kabanata (o piān); zhuàn ang tawag sa kabuuang koleksyon ("buo" o "salaysay").

Pamagat at nilalaman ng mga kabanata ng Ang Sining ng Pakikidigma
Kabanata Fernando Ang Sr. (2023) Nilalaman
I Pagpaplano Sinisiyasat ang limang pangunahing salik (ang Paraan, kapanahunan, kalupaan, pamumuno, at pangangasiwa) at pitong elemento na nagdedetermina ang mga kalalabasan of pakikipagsapalarang-militar. Sa pag-iisip, pagtatasa at paghahambing nitong mga punto, makakalkula ng kumandante ang kanyang tsansa na magwagi. Makakasiguro ang kinagawiang kasinsayan mula sa mga kalkulasyong ito ng pagkabigo sa pamamagitan ng hindi wastong pagkilos. Binibigay-diin ng teksot na napakatinding bagay ang dimaan para sa estado at hindi dapat umapisahan nang walang dahil sa pagsasaalang-alang.
II Paghahanda Ipinapaliwanag kung paano intindihin ang ekonomika ng pakikipagdigma at kung paanong nangangailangan ang pagtatagumpay ng agarang pagpapanalo ng mga mapagpasyang pakikipagsapalaran. Inaabiso nitong seksyon na kinakailangan ng mga matagumpay na kampanyang militar ng paglilimita ng gastos ng pakikipagkumpetensiya at sagupaan.
III Estratehiya sa Paglusob Binibigyang-kahulugan ang pagkakaisa, hindi laki, bilang pinagmulan ng lakas, at tinatalakay ang limang salik na kailangan para magtagumpay sa anumang digmaan. Ang mga kritikal na kadahilanan ayon sa kahalagahan ay: Pag-atake, Diskarte, Mga Alyansa, Hukbong-kati at Mga Lungsod.
IV Taktika Ipinapaliwanag ang kahalagahan ng pagtatanggol ng mga umiiral na posisyon hanggang maging may-kaya ang isang kumandante na sumulong mula sa mga posisyong ligtas. Itinuturo nito sa mga kumandante ang kahalagahan ng pag-uunawa sa mga estratehikong oportunidad, at itinuturo na huwag gumawa ng mga oportunidad para sa kalaban.
V Puwersa Ipinapaliwanag ang paggamit ng pagkamalikhain at pagsasaoras sa pagtitipon ng dagsa ng hukbong-kati.
VI Pag-akma sa Sitwasyon Ipinapaliwanag kung paano nanggagaling ang mga pagkakataon ng hukbong-kati mula sa mga butas sa kapaligiran na sanhi ng matugnaying kahinaan ng kalaban at paano tumugon sa mga pagbabago sa lapuyot na larangan ng digmaan sa isang ibinigay na lugar.
VII Pagmaniobra ng Hukbo Ipinapaliwanag ang mga panganib ng direktang laban-laban at kung paano manalo sa mga paghaharap na iyon kapag pinilit sila sa kumander.
VIII Siyam na Pagkakaiba-iba ng mga Taktika Nakatuon sa pangangailan ng pagkahutukin sa mga katugunan ng hukbong-kati. Ipinapaliwanag nito kung paano tumugon nang matagumpay sa mga nagbabagong pangyayari.
IX Opensiba Inilalarawan ang mga iba't ibang sitwasyon na hinaharap ng hukbong-kati habang gumagalaw ito sa mga bagong teritoryo ng kalaban, at kung paano tumugon sa mga sitwasyong ito. Karamihan ng seksyong ito ay nakatuon sa pagsusuri ng mga balak ng mga iba.
X Lupain Tinitingnan ang tatlong pangkalahatang uri ng resistensya (distansya, panganib at hadlang) at ang anim na uri ng mga puwesto sa lupa na nagmumula rito. Bawat isa sa mga anim na puwesto ay mayroong benepisyo at kapinsalaan.
XI Siyam na Sitwasyon Inilalarawan ang anim na karaniwang sitwasyon (o yugto) sa isang kampanya, mula sa pagkakalat hanggang sa nakamamatay, at ang tiyak na pokus na kakailanganin ng isang kumandante para ugitan nang matagumpay ang mga ito.
XII Puwersa ng Apoy Ipinapaliwanag ang karaniwang paggamit ng mga sandata at ang tiyak na paggamit ng kapaligiran bilang sandata. Sinisiyat ng seksyong ito ang limang target para sa atake, ang limang uri ng atake sa kapaligiran at ang mga angkop katugunan sa mga atakeng iyon.
XIII Paggamit ng Espiya Nakatuon sa kahalagahan ng paglinang ng mga magagandang mapagkukunan ng impormasyon, at tinutukoy ang limang uri ng mapagkukunan ng intelihensya at ang mga pinakamagandang paraan para pangasiwaan ang mga ito.
Ang simula ng Ang Sining ng Pakikidigma sa isang klasikal na libro na gawa sa kawayan mula sa paghahari ng Emperador Qianlong

Makikita ang mga taludtod mula sa aklat sa modernong pang-araw-araw na mga Tsinong idyoma at parirala, tulad ng huling taludtod ng Kabanata 3:

故曰:知彼知己,百戰不殆;不知彼而知己, 一勝一負;不知彼,不知己,每戰必殆。
Samakatwid ang kasabihan: Kung kilala mo ang kaaway at kilala mo ang iyong sarili, hindi mo dapat ikatakot ang resulta ng isang daang laban. Kung kilala mo ang iyong sarili ngunit hindi ang kaaway, sa bawat tagumpay na nakamit ay magdaranas ka rin ng isang pagkatalo. Kung hindi mo alam ang kaaway ni ang iyong sarili, mapapasuko ka sa bawat labanan.

Higit na pinaikli at tinuwiran ito sa modernong Tsinong kasabihan na:

知己知彼,百戰不殆。(Zhī jǐ zhī bǐ, bǎi zhàn bù dài.)
Kung kapwa kilala mo ang iyong sarili at ang iyong kaaway, maaari kang manalo ng mararaming (literal na, "isang daang") laban nang walang panganib.

Matatagpuan din ang mga karaniwang halimbawa sa wikang Ingles, tulad ng talata 18 sa Kabanata 1:

兵者,詭道也。故能而示之不能,用而示之不用,近而示之遠,遠而示之近。
Lahat ng digma ay batay sa panlilinlang. Samakatuwid, kapag nakakapag-atake tayo, dapat magmukhang hindi natin magagawa; kapag ginagamit natin ang ating mga puwersa, dapat magmukhang hindi tayo aktibo; kapag malapit na tayo, dapat papaniwalain natin na ang kaaway na malayo tayo; kapag malayo, dapat papaniwalain natin na malapit na tayo.

Pinaikli pa ito sa pinakapayak na anyo nito sa modernong kasabihan ng Ingles:

Lahat ng digma ay batay sa panlilinlang.

Impluwensya sa kultura

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Aplikasyon sa militar at intelihensya

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa buong Silangang Asya, naging bahagi Ang Art of War sa silabo para sa mga potensyal na kandidato sa mga iksamen sa serbisyong militar.

Noong kapanahunang Sengoku (s. 1467–1568), si Takeda Shingen, sinasabi na ang ipinangalang daimyō ng Hapones (1521-1515), ay halos di-mapaglabanan sa lahat ng mga giyera nang hindi umaasa sa mga baril, dahil pinag-aralan niya Ang Sining ng Pakikidigma. Binigyan din siya ng aklat ng inspirasyon para sa kanyang tanyag na pamantayang pang-labanan na "Fūrinkazan" (Hangin, Gubat, Apoy at Bundok) na nangangahulugang kasimbilis ng hangin, kasintahimik ng gubat, kasimbangis ng sunog at kasintatag ng bundok.

Naglalaan ang tagasalin na si Samuel B. Griffith ng isang kabanata tungkol kina "Sun Tzu at Mao Tse-Tung" kung saan binanggit ang pagkaimpluwensiya ng Ang Sining ng Pakikidigma sa Tungkol sa Digmang Gerilya, Tungkol sa Pinahabang Digmaan at Mga Estratehikong Problema ng Rebolusyonaryong Giyera ng Tsina ni Mao, at isinama ang sipi ni Mao: "Hindi dapat natin minamaliit ang sinasabi sa aklat ni Sun Wu Tzu, ang dakilang dalubhasang militar ng sinaunang Tsina, 'Kilalanin ang iyong kaaway at kilalanin ang iyong sarili at makakapaglaban ka sa isang libong laban nang walang sakuna."[14]

Sa panahon ng Digmaang Vietnam, pinag-aralan nang todo ng ilang mga opisyal ng Viet Cong Ang Sining ng Pakikidigma at diumano’y maaaring bumigkas ng mga buong sipi nang walang kodigo. Matagumpay na ipinatupad ni Heneral Võ Nguyên Giáp ang mga taktika na inilarawan sa Ang Sining ng Pakikidigma noong Labanan ng Dien Bien Phu na nagwakas sa pakikisangkot ng Pransya sa Indotsina at humantong sa mga pagkakasundong naghati sa Vietnam sa Hilaga at Timog. Isang masugid na mag-aaral at tagasunod ng mga ideya ni Sun Tzu si Heneral Võ na naging pangunahing komandanteng PVA ng militar sa Digmaang Vietnam sa kalaunan.[15] Ang pagkatalo ng Amerika doon, higit sa anumang iba pang kaganapan, ay nagbigay-pansin sa mga pinuno ng teorya ng militar ng Amerika kay Sun Tzbau.[15][16][17]

Itinatala ng Kagawaran ng Hukbong-Kati sa Estados Unidos, sa pamamagitan ng Kolehiyo ng Atasan at Pangkalahatang Kawani Ang Sining ng Pakikidigma bilang halimbawa ng aklat na maaaring itago sa aklatan ng isang pangkat-militar.[18]

Nakalista Ang Sining ng Pakikidigma sa Propesyonal na Programa sa Pagbabasa ng Pultong-Marino (na dating kilala bilang Talaan ng Babasahin ng Kumandante). Inirerekomenda ang pagbabasa nito sa lahat ng mga tauhan ng Intelihensyang Militar ng Estados Unidos.[19]

Ginagamit Ang Sining ng Pakikidigma bilang materyal sa pagtuturo sa Akademya ng Amerikanong Militar sa West Point, sa kursong Diskarteng Militar (470),[20] at inirerekomenda rin ang pagbasa nito sa mga kadeteng Maharlikang Alagad sa Maharlikang Akademyang Pangmilitar, Sandhurst. Nagsisabi ang ilang mga kilalang pinunong militar ng mga sumusunod tungkol kay Sun Tzu at Ang Sining ng Pakikidigma:

"Palagi akong may kopya ng Ang Sining ng Pakikidigma sa aking mesa,"[21] Heneral Douglas McArthur, 5 Star General & Kataas-taasang Kumandante ng mga Kaalyado.

"Nabasa ko Ang Sining ng Pakikidigma ni Sun Tzu. Patuloy-tuloy niyang naiimpluwensyahan ang mga kapwa sundalo at pulitiko."[22] Heneral Colin Powell, Tagapangulo ng Magkakasamang Pinuno ng Kawani, Pambansang Tagapayo ng Seguridad, at Kalihim ng Estado.

Ayon sa ilang mga may-akda, pinag-aralan at ginamit nang ginamit ang diskarte ng panlilinlang mula sa Ang Sining ng Pakikidigma ng KGB: "Pipilitin ko ang kaaway na ipalagay ang aming kalakasan bilang kahinaan, at ang aming kahinaan para sa kalakasan, at sa gayon ay papalitan ang kanyang kalakasan ng kahinaan".[23] Binanggit nang binanggit ang libro ng mga opisyal ng KGB na namahala sa mga pagpapatakbo ng disimpormasyon sa nobelang Le Montage ni Vladimir Volkoff. Ang Pinlandes na Punong Heneral Mannerheim at heneral Aksel Airo ay mga masugid na mambabasa ng Ang Sining ng Pakikidigma. Pareho nilang ibinasa ito sa wikang Pranses; itinago ni Airo ang salinwikang Pranses ng libro sa kanyang mesa sa tabi ng kama sa kanyang tirahan.[kailangan ng sanggunian]

Aplikasyon sa labas ng militar

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Nailapat Ang Sining ng Pakikidigma sa mararaming larangan sa labas ng militar. Karamihan ng teksto ay tungkol sa kung paano maglaban nang di-kailangang makipaglaban: Nagbibigay ito ng mga payo kung paano malalampasan ang kalaban para hindi kailangan ang pisikal na labanan. Dahil dito, nagkaroon ito ng aplikasyon bilang isang gabay sa pagsasanay para sa mararaming paligsahan na walang paglalamas.

Binanggit Ang Sining ng Pakikidigma bilang impluwensya sa pinakaunang kilalang koleksyon ng mga kwento tungkol sa pandaraya (karamihan sa larangan ng komersyo), ang Ang Aklat ng Panggagantso ni Zhang Yingyu (Du pian xin shu 杜騙新書, s. 1617) na pinepetsahan sa huling bahagi ng dinastiyang Ming.[24]

Kumuha ang maraming mga aklat pangnegosyo ng mga aralin na mula sa aklat at ginamit sa pulitika sa opisina at diskarte sa korporatibong negosyo.[25][26][27] Sa maraming mga kumpanyang Hapon, kailangan basahin ang aklat ng kanilang mga pangunahing tagapagpaganap.[28] Tanyag din ang libro sa mga kapisanan ng negosyo sa Kanluran na nagbabanggit sa halagang utilitaryano nito sa mga gawi sa pamamahala. Maraming mga negosyante at koproratibong tagapagpaganap ang nakasalalay rito para sa inspirasyon at payo kung paano magtagumpay sa mga mapagkumpitensyang sitwasyon sa negosyo. Inilapat din ang aklat sa larangan ng edukasyon.[29]

Naging paksa Ang Sining ng Pakikidigma ng mga aklat panligal[30] at artikulong ligal tungkol sa proseso ng paglilitis kabilang ang mga taktika sa negosasyon at diskarte sa paglilitis.[31][32][33][34]

Nailapat din Ang Sining ng Pakikidigma sa palaro. Ang tagapagsanay ng National Football League na si Bill Belichick, ang may hawak ng rekord ng pinakamaraming panalo sa Super Bowl sa kasaysayan, ay nagpahayag sa maraming pagkakataon ng kanyang paghanga sa Ang Sining ng Pakikidigma.[35][36] Aktibong ginamit ni Luiz Felipe Scolari, isang tagapagsanay ng putbol sa Brasil Ang Sining ng Pakikidigma para sa matagumpay na kampanya ng 2002 World Cup ng Brasil. Sa panahon ng torneo inilagay ni Scolari ang mga sipi mula sa Ang Sining ng Pakikidigma sa ilalim ng mga pintuan ng kanyang mga manlalaro sa gabi.[37][38]

Nagtatanghal si Liam Shannon tungkol sa "Mga Teorya ng Ang Sining ng Pakikidigma sa Putbol" sa Enero 2015 United Soccer Coaches pambansang kombensyon sa Philadelphia, PA.

Madalas na sinisipi Ang Sining ng Pakikidigma habang binubuo ang mga taktika at/o diskarte sa mga Eletronikong Palaro. Bilang halimbawa, ang isa sa mga pangunahing aklat tungkol sa e-laro, "Play To Win ('Maglaro para Manalo')" ni David Sirlin, isang alumno ng Instituto ng Teknolohiya ng Massachuesetts, ay isang pagsusuri tungkol sa mga posibleng aplikasyon ng mga ideya mula sa Ang Sining ng Pakikidigma sa modernong Eletronikong Palaro. Ipinalabas Ang Sining ng Pakikidigma noong 2014 bilang e-aklat kasama ng Art of War DLC para sa Europa Universalis IV, isang larong diskarte sa PC ng Paradox Development Studios na may paunang salita mula kay Thomas Johansson.

Pelikula at telebisyon

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Natukoy at nasipi ang Sining ng Pakikidigma at si Sun Tzu sa iba't ibang mga pelikula at palabas sa telebisyon. Sa pelikulang Wall Street (1987), tinukoy nang tinukoy ni Gordon Gekko (Michael Douglas) Ang Sining ng Pakikidigma habang nagpapayo sa kanyang batang protehido na si Bud Fox (Charlie Sheen).[39] Sa mga huling yugto ng pelikula, binanggit ni Fox si Sun Tzu mismo habang inilarawan ang kanyang plano sa pagbitag kay Gekko.[40]

Sa telebisyon, pinakapopular na isinangguni Ang Sining ng Pakikidigma sa The Sopranos. Sa ika-3 yugto, episodyo 8 ("He is Risen"), iminumungkahi ni Dra. Melfie kay Tony Soprano na basahin niya ang aklat.[41] Nang maglaon sa episodyo, sinabi ni Tony kay Dra. Melfie na nahanga siya kay Sun Tzu at sinabing "Narito ang taong ito, isang Tsinong heneral na sumulat nito 2400 taong nakalilipas, at ang karamihan nito ay malalapat pa rin ngayon!" Agad-agad pagkatapos ng episodyo ng The Sopranos, pumailanglang ang benta ng Ang Sining ng Pakikidigma.[42]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Sining ng Pakikidigma ni Sun Tzu. Sinalin ni Ang, Fernando Sr. Maynila: Kaisa Para sa Kaunlaran, Inc. / Kaisa Heritage Foundation, Inc. 2023. ISBN 978-971-8857-45-8.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. Smith (1999).
  3. McNeilly, Mark R. (2015). Sun Tzu and the Art of Modern Warfare (ika-updated (na) edisyon). Oxford: Oxford University Press. p. 301. ISBN 9780199957859. Inarkibo mula sa orihinal noong 14 Disyembre 2022. Nakuha noong 14 Disyembre 2022. Sun Tzu is not talking about 'news' here but about espionage affairs, or matters or plans relating to espionage.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. Scott, Wilson (7 Marso 2013), "Obama meets privately with Jewish leaders" [Nakipagpulong si Obama nang pribado sa mga pinunong Hudyo], The Washington Post (sa wikang Ingles), Washington, D.C., inarkibo mula sa orihinal noong 24 Hulyo 2013, nakuha noong 22 Mayo 2013{{citation}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. "Obama to challenge Israelis on peace" [Obama, hahamunin ang mga Israeli sa kapayapaan], United Press International (sa wikang Ingles), 8 Marso 2013, inarkibo mula sa orihinal noong 27 Nobyembre 2022, nakuha noong 22 Mayo 2013{{citation}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. Garner, Rochelle (16 Oktubre 2006), "Oracle's Ellison Uses 'Art of War' in Software Battle With SAP" [Ellison ng Oracle, Ginamit ang 'Sining ng Pakikidigma' sa Labanang Software Kontra sa SAP], Bloomberg, inarkibo mula sa orihinal noong 20 Oktubre 2015, nakuha noong 18 Mayo 2013{{citation}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. Hack, Damon (3 Pebrero 2005), "For Patriots' Coach, War Is Decided Before Game" [Para sa Tagasanay ng Patriots, Napagpasyahan ang Digmaan Bago ang Laro], The New York Times (sa wikang Ingles), inarkibo mula sa orihinal noong 18 Enero 2024, nakuha noong 18 Mayo 2013{{citation}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. Giles, Lionel The Art of War by Sun Tzu – Special Edition. Special Edition Books. 2007. p. 62.
  9. Hlavatý, Jozef; Ližbetin, Ján (1 Enero 2021). "The Use of the Art of War Ideas in the Strategic Decision-making of the Company" [Ang Paggamit ng Ideya sa Sining ng Pakikidigma sa Madiskarteng Pagpapasya ng Kompanya]. Transportation Research Procedia. 14th International scientific conference on sustainable, modern and safe transport (sa wikang Ingles). 55: 1273–1280. doi:10.1016/j.trpro.2021.07.110. ISSN 2352-1465. S2CID 238896273.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  10. Lewis (1999).
  11. 11.00 11.01 11.02 11.03 11.04 11.05 11.06 11.07 11.08 11.09 11.10 Gawlikowski & Loewe (1993).
  12. 12.0 12.1 12.2 12.3 Mair (2007).
  13. Mark Edward Lewis (2005), quoted in Mair (2007), p. 18.
  14. Griffith, Samuel B. The Illustrated Art of War. 2005. Oxford University Press. pp. 17, 141–43.
  15. 15.0 15.1 McCready, Douglas. Learning from Sun Tzu, Military Review, May–June 2003."Learning from Sun Tzu". Inarkibo mula sa orihinal noong 2011-10-11. Nakuha noong 2009-12-19.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  16. Interview with Dr. William Duiker, Conversation with Sonshi Naka-arkibo 2024-01-18 sa Wayback Machine.
  17. Forbes, Andrew ; Henley, David (2012). The Illustrated Art of War: Sun Tzu. Chiang Mai: Cognoscenti Books. Padron:ASIN
  18. Army, U. S. (1985). Military History and Professional Development. U. S. Army Command and General Staff College, Fort Leavenworth, Kansas: Combat Studies Institute. 85-CSI-21 85.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  19. "Messages".
  20. "Archive copy". Inarkibo mula sa orihinal noong 2019-12-12. Nakuha noong 2019-12-29.{{cite web}}: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link)
  21. United States Military Posture for FY1989 (Washington, DC: U.S. Government Printing Office, 1989), 5–6, 93–94.
  22. "Archive copy". Inarkibo mula sa orihinal noong 2020-02-07. Nakuha noong 2019-12-29.{{cite web}}: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link)
  23. Yevgenia Albats and Catherine A. Fitzpatrick. The State Within a State: The KGB and Its Hold on Russia – Past, Present, and Future. 1994. ISBN 0-374-52738-5, chapter Who was behind perestroika?
  24. "Search Results | book of swindles | Columbia University Press".
  25. Michaelson, Gerald. "Sun Tzu: The Art of War for Managers; 50 Strategic Rules." Avon, MA: Adams Media, 2001
  26. McNeilly, Mark. "Sun Tzu and the Art of Business : Six Strategic Principles for Managers. New York:Oxford University Press, 1996.
  27. Krause, Donald G. "The Art of War for Executives: Ancient Knowledge for Today's Business Professional." New York: Berkley Publishing Group, 1995.
  28. Kammerer, Peter. "The Art of Negotiation." South China Morning Post (April 21, 2006) p. 15
  29. Jeffrey, D (2010). "A Teacher Diary Study to Apply Ancient Art of War Strategies to Professional Development". The International Journal of Learning. 7 (3): 21–36.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  30. Barnhizer, David. The Warrior Lawyer: Powerful Strategies for Winning Legal Battles Irvington-on-Hudson, NY: Bridge Street Books, 1997.
  31. Balch, Christopher D., "The Art of War and the Art of Trial Advocacy: Is There Common Ground?" (1991), 42 Mercer L. Rev. 861–73
  32. Beirne, Martin D. and Scott D. Marrs, The Art of War and Public Relations: Strategies for Successful Litigation Naka-arkibo 2012-07-11 sa Wayback Machine.
  33. Pribetic, Antonin I., "The Trial Warrior: Applying Sun Tzu's The Art of War to Trial Advocacy" April 21, 2007,
  34. Solomon, Samuel H., "The Art of War: Pursuing Electronic Evidence as Your Corporate Opportunity"
  35. https://www.businessinsider.com/bill-belichick-says-the-art-of-war-helped-build-patriots-dynasty-2019-12
  36. https://www.smh.com.au/sport/put-crafty-belichicks-patriot-games-down-to-the-fine-art-of-war-20050204-gdkmii.html
  37. https://www.fourfourtwo.com/us/features/luiz-felipe-scolari-one-one
  38. Winter, Henry (Hunyo 29, 2006). "Mind games reach new high as Scolari studies art of war". Irish Independent.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  39. https://www.youtube.com/watch?v=-TLCaDbBv_s
  40. https://www.quotes.net/mquote/102540
  41. https://www.baltimoresun.com/news/bs-xpm-2001-05-13-0105130365-story.html
  42. https://www.mentalfloss.com/article/63366/9-ways-art-war-conquered-world

Karagdagang pagbabasa

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • Gawlikowski, Krzysztof; Loewe, Michael (1993). "Sun tzu ping fa 孫子兵法". In Loewe, Michael (ed.). Early Chinese Texts: A Bibliographical Guide. Berkeley: Society for the Study of Early China; Institute of East Asian Studies, University of California, Berkeley. pp. 446–55. ISBN 978-1-55729-043-4.
  • Graff, David A. (2002). Medieval Chinese Warfare, 300-900. Warfare and History. London: Routledge. ISBN 978-0415239554.
  • Griffith, Samuel (2005). Sun Tzu: The Illustrated Art of War. New York: Oxford University Press. ISBN 978-0195189995.
  • Lewis, Mark Edward (1999). "Warring States Political History". In Loewe, Michael; Shaughnessy, Edward (eds.). The Cambridge History of Ancient China. Cambridge: Cambridge University Press. pp. 587–650. ISBN 978-0-521-47030-8.
  • Mair, Victor H. (2007). The Art of War: Sun Zi's Military Methods. New York: Columbia University Press. ISBN 978-0-231-13382-1.
  • Smith, Kidder (1999). "The Military Texts: The Sunzi". In de Bary, Wm. Theodore (ed.). Sources of Chinese Tradition: From Earliest Times to 1600, Volume 1 (2nd ed.). New York: Columbia University Press. pp. 213–24. ISBN 978-0-231-10938-3.
  • Yuen, Derek M. C. (2014). Deciphering Sun Tzu: How to Read 'The Art of War'. Oxford University Press. ISBN 9780199373512.
  • Вєдєнєєв, Д. В.; Гавриленко, О. А.; Кубіцький, С. О. (2017). Остроухова, В. В. (ed.). Еволюція воєнного мистецтва: у 2 ч.

Mga kawing panlabas

[baguhin | baguhin ang wikitext]