Adan at Eba
Sina Adan at Eba ayon sa mito ng paglikha ng mga relihiyong Abrahamiko na Hudaismo, Kristiyanismo at Islam ang unang lalake at unang babae o mga unang tao at mga magulang ng sangkatauhan.
Bukod sa Aklat ng Genesis, ang kuwento ni Adan at Eba ay lumilitaw rin sa Quran, sa Talmud, Apocalipsis ni Adan at Buhay ni Adan at Eba, Alitan nina Adan at Eba kay Satanas at Testamento ni Adan. Ang mga tradisyong Hudyo gaya ng Alpabeto ni Sirach ay bumabanggit sa unang asawa ni Adan na si Lilith. Sila ay may tatlong anak na sina Cain, Abel at si Seth.
Adan
Ang salitang Adan o Adam (Hebreo: אָדָם, Arabiko: آدم) sa Hebreong biblikal ay ginamit bilang personal na pangalan ng isang indibdiwal na Adan. Ang ilan ay naniniwalang ito ay may pangkalahatang kahulugang "sangkatauhan" sa parehong paggamit ng mas maagang salitang Cananeo na 'adam. Iniugnay ng mga skolar ng Bibliya ang salitang "Adan" o אָדָם sa ugat na trilateral na אָדַם ( 'ADM ) na nangangahulugang "pula", "maganda" o "guwapo".
Ang paggamit ng salitang Adan bilang personal na pangalan ay mas nauna pa sa paggamit ng pangkahalatang kahulugan nito. Ang ugat nito ay hindi ang pamantayang ugat na Semitiko para sa "tao" na sa halip ay '-(n)-sh ngunit pinatutunayan bilang personal na pangalan sa Talaan ng mga haring Asiryo sa anyo ng Adamu na nagpapakitang ito ay isang tunay na pangalan sa maagang kasaysayan ng Sinaunang Malapit na Silangan.
Ayon sa Genesis 2:7, nilalang ni Yahweh si Adan mula sa alabok sa lupa. Ayon sa Genesis 1:27, nilalang ni Elohim ang tao na lalake at babae sa wangis o larawan ni Elohim.
Eba
Si Eba o Eve (Hebreo: חַוָּה, Klasikong Hebreo: Ḥawwāh, Modernong Israeling Hebreo: Khavah, Arabic: حواء, Syriac: ܚܘܐ, Tigrinya: ሕይዋን? o Hiywan) ayon sa Genesis ang asawa ni Adan. Ayon sa Genesis 3:20,
- Tinawag ni Adan ang kanyang asawa na Ḥawwāh (buhay, nabubuhay o pinagmumulan ng buhay) sapagkat siya ang ina ng lahat ng nabubuhay.
Buod ayon sa Genesis 2:4-3:24
Paglikha kay Adan mula sa alabok ng lupa
Ginawa ng Diyos ang tao mula sa alabok, hiningahan niya sa ilong, at nagkaroon ito ng buhay.
Paglikha sa hardin ng Eden
Gumawa ang Diyos ng isang halamanan sa Eden, sa dakong silangan, at doon dinala ang taong kanyang nilalang. Pinatubo niya roon ang lahat ng uri ng punongkahoy na magagandang pagmasdan at masasarap ang bunga. Sa gitna ng halamanan ay naroon ang punongkahoy na nagbibigay-buhay, at gayundin ang punongkahoy na nagbibigay-kaalaman tungkol sa mabuti at masama.
Umaagos noon mula sa Eden ang isang ilog na dumidilig sa halamanan. Paglabas doon, ito'y nahahati sa apat na sanga. Ang una na kung tawagi'y Ilog Pishon ay umaagos sa lupain ng Havila. Lantay ang ginto roon at marami ring bedelio at batong onise. Ang ikalawang sanga ng ilog na tinawag namang Gihon ay umaagos sa lupain ng Etiopia. Ilog Tigris naman ang tawag sa ikatlong sanga, at umaagos naman ito sa silangan ng Asiria. Ang ikaapat na sanga ng ilog ay ang Euphrates.
Inilagay ng Diyos ang tao sa halamanan ng Eden upang ito'y pagyamanin at pangalagaan. Sinabi niya sa tao, "Makakain mo ang alinmang bungangkahoy sa halamanan, maliban sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Huwag na huwag mong kakainin ang bungang iyon, sapagkat sa araw na kainin mo iyon ay mamamatay ka."
Paglikha sa mga hayop at mga ibon
Ayon sa Genesis 2, matapos gawin ang lahat ng ito, sinabi ng Panginoong Yahweh, "Hindi mabuti na mag-isa ang tao; bibigyan ko siya ng isang angkop na makakasama at makakatulong." Kaya, mula sa lupa ay lumikha ang Panginoong Yahweh ng mga hayop sa parang at mga ibon sa himpapawid, dinala niya ang mga ito sa tao upang ipaubaya rito ang pagbibigay ng pangalan sa mga iyon.
Salungat sa Genesis 2 na tila hindi pa tapos ang paglikha pagkatapos ng paglikha sa tao at nilikha muna ang tao bago ang mga halaman at puno at ibon at hayop, ang Genesis 1 ay nagsasaad na natapos na ang paglikha ng lahat pagkatapos ng paglikha sa tao. Ayon sa Genesis 1, nilikha muna ang mga halamang nagkakabinhi at mga punong namumunga (ikatlong araw), ibon (ikalimang araw) at hayop bago ang paglikha sa tao (ikaanim na araw). Pagkatapos ng paglikha sa tao ay pinagmasdan ng Diyos ang lahat niyang ginawa, at lubos siyang nasiyahan (Genesis 1:31). "Pinagpala niya ang ikapitong araw at itinuring itong banal, sapagkat sa araw na ito siya nagpahinga matapos likhain ang lahat." (Genesis 2:1-3; ang mga orihinal na manuskrito ng bibliya ay walang mga dibisyon na kapitulo at bersikulo kaya ito ay pagpapatuloy ng Genesis 1:31)
Ayon sa Genesis 1:11-12, nilikha ni Elohim ang lahat ng uri ng tumutubong halamang nagkakabinhi at mga punong namumunga sa ikatlong araw bago likhain ang tao sa ikaanim na araw. Salungat dito, ayon sa Genesis 2, bago likhain ang tao ay "wala pang anumang halaman o pananim sa mundo, sapagkat hindi pa nagpapaulan noon si Yahweh, at wala pa ring nagsasakang tao".
Paglikha kay Eba mula sa tadyang ni Adan
Ngunit wala isa man sa mga hayop ang nababagay na makasama at makatulong ni Adan. Kaya't pinatulog niya at samantalang nahihimbing, kinuha niya ang isang tadyang nito at pinaghilom ang laman sa tapat niyon. Ang tadyang na iyo'y ginawa niyang isang babae, at dinala niya ito sa lalaki.
Ang ahas
Isang araw tinanong ng ahas ang babae, "Totoo bang sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain ng anumang bungangkahoy sa halamanan?" Sumagot ang babae, "Maaari naming kainin ang anumang bunga sa halamanan, huwag lamang ang bunga ng puno na nasa gitna niyon. Sinabi ng Diyos na huwag naming kakainin ni hihipuin man ang bunga nito; kung kami raw ay kakain nito, mamamatay kami." Ngunit sinabi ng ahas, "Hindi totoo iyan, hindi kayo mamamatay!" "Sinabi lang iyan ng Diyos, sapagkat alam niyang kung kakain kayo ng bunga niyon ay makakaunawa kayo. Kayo'y magiging parang Diyos at malalaman ninyo ang mabuti at masama."
Pagkain nina Adan at Eba ng bunga
Ang punongkahoy ng kaalaman ng mabuti at masama ay napakaganda sa paningin ng babae at sa palagay niya'y masarap ang bunga nito. Naisip din niya na kahanga-hanga ang maging marunong, kaya't pumitas siya ng bunga at kumain nito. Binigyan niya ang kanyang asawa, at kumain din ito. Nagkaroon nga sila ng pagkaunawa matapos kumain. Noon nila nalamang sila'y hubad, kaya kumuha sila ng mga dahon ng igos, pinagtahi-tahi nila ang mga ito at ginawang panakip sa katawan. Nang dapit-hapon na, narinig nilang naglalakad sa halamanan ang Panginoong Yahweh, kaya't nagtago sila sa mga puno.Ngunit tinawag niya ang lalaki at tinanong, "Saan ka naroon?" "Natakot po ako nang marinig kong kayo'y nasa halamanan; nagtago po ako sapagkat ako'y hubad," sagot ng lalaki. Nagtanong muli ang Diyos, "Sinong maysabi sa iyong hubad ka? Bakit, kumain ka ba ng bungang ipinagbabawal ko?" "Kasi, pinakain po ako ng babaing ibinigay ninyo sa akin," tugon ng lalaki. "Bakit mo ginawa ang bagay na iyon?" tanong ng Panginoong Yahweh sa babae. "Mangyari po'y nilinlang ako ng ahas, kaya ako natuksong kumain," sagot naman nito.Eva a ang itinawag ni Adan sa kanyang asawa, sapagkat siya ang ina ng sangkatauhan. Ang mag-asawa'y iginawa ng Diyos ng mga damit na yari sa balat ng hayop.
Pagpapalayas kina Adan at Eba sa hardin
Pagkatapos, sinabi ng Panginoong Yahweh, "Katulad na natin ngayon ang tao, sapagkat alam na niya ang mabuti at masama. Baka pumitas siya at kumain ng bungangkahoy na nagbibigay-buhay at hindi na siya mamatay." Kaya, pinalayas niya sa halamanan ng Eden ang tao upang magbungkal ng lupang kanyang pinagmulan.
Mga may akda ng kuwento
Ayon sa mga skolar, ang Tanakh o Lumang Tipan ay naglalaman ng dalawang mga salaysay ng mito ng paglikha mula sa magkaibang sanggunian o may akda na kalaunang pinagsama at inedit ng mga kalaunang editor ng Tanakh. Ayon sa mga skolar, ang dalawang magkasalungat at magkaibang kuwento ng paglikha sa Genesis 1 at 2 ay nagmula sa mga sangguniang independiyente: Ang Genesis 1:1-2:4a at Genesis 5 ay nagmula sa isang Pinagkunang maka-Saserdote (P) na mula ika-6 hanggang ika-5 siglo BCE. Ang Genesis 2:4b-25 ay nagmula sa Jahwist (J) o Jahwist-Elohist (J-E). Ayon sa skolar na si Westerman, ang pagkilala ng dalawang magkahiwalay na mga salaysay ng paglikha sa Aklat ng Genesis ang "isa sa pinaka mahalaga at pinaka nasisigurong resulta ng pagsisiyasat na literaryo-kritikal ng Lumang Tipan".[1]
Mga pinaniniwalaang pinaghanguan ng kuwento ni Adan at Eba
Ang kuwento ni Adan at Eba at ng hardin ng Eden ay pinaniniwalaan ng maraming mga skolar na hinango sa mas naunang lumitaw na mga mitolohiyang Mesopotamiano.[2][3][4]
Ang mga imperyo ng Mesopotamia (na tumutugma sa modernong Iraq, isang seksiyon ng Syria at maliiit na bahagi ng Turkey, Iran at Kuwait) ay napakaimpluwensiyal sa Sinaunang Malapit na Silangan at ang kalaunang imperyong nitong Babilonya ay sumakop sa Israel noong 587 BCE.
Inilarawan ng Asiryologong si George Smith (1840–1876) ang isang silindrong selyo na mayroong dalawang mga pigurang lalake at babae sa bawat panig ng isang puno na humahawak sa kanilang mga kamay ng bunga ng isang puno sa gitna samantalang sa kanilang likuran ay may mga ahas.[5] Ito ay natagpuan sa Iraq at mula 2200 hanggang 2100 BCE. Ito ay pinaniniwalaang nagbibigay ng ebidensiya na ang kuwento ng "Pagkahulog ng Tao" sa Bibliya ay umiiral na sa Mesopotamia bago pa isulat ang Bibliya at maaring nakaimpluwensiya sa kalaunang isinulat na Bibliya.
Ang isa pang selyo na pinaniniwalang mula 3500 BCE ay natuklasan sa ilalim ng Tepe Gawra na nagpapakita ng isang hubad na lalake at hubad na babae na nakayuko. Sa likuran ng mga ito na parsiyal na napinsala ay isang ahas.
Mitong paglikha ng Sumeria
Ayon sa mitong Sumerian, ang tanging nagkukulang sa paraisong Dilmun (na pinaniniwalaang ang bansang Bahrain sa kasalukuyan) ang sariwang tubig. Ang diyos na si Enki (o Ea) ay nag-utos kay Utu na diyos-araw na magdala ng sariwang tubig mula sa mundo (earth) upang diligan ang hardin. Sa mito ni Enki at Ninhursag, isinalaysay na ang diyosang-ina na si Ninhursag ay nagsanhi sa walong mga halaman na lumago sa hardin ng mga diyos. Si Enki ay nagnais na kumain ng mga halamang ito at ipinadala ang kanyang sugo na si Isimud na kunin ang mga ito. Kinain ni Enki ang mga ito ng isa isa at sa galit ni Ninhursag ay naghayag ng sumpang kamatayan kay Enki. Bilang resulta ng sumpang ito ni Ninhursag kay Ennki, ang walo sa mga organo ng katawan ni Enki ay inatake ng sakit at siya ay nasa sakit ng kamatayan. Ang mga dakilang diyos ay nasiphayo at si Enlil na pinunong diyos ay walang kapangyarihang makatulong. Si Ninhursag ay hinikayat na bumalik at ayusin ang sitwasyon. Si Ninhursag ay lumikha ng walong mga diyosa ng kagalingan na nagpagaling sa bawat may sakit na mga bahagi ng katawan ni Enki. Ang isa sa mga bahaging ito ang tadyang ng diyos at ang diyosang nilikha upang mangasiwa sa tadyang ay pinangalanang Ninti na nangangahulugang "babae ng tadyang".
Paglikhang mito ng Sumeria | Aklat ng Genesis |
---|---|
Ang lugar na pinangyarihan ay isang hardin ng paraiso | Ang lugar na pinangyarihan ay isang hardin ng paraiso |
Ang pagdidilig sa mga hardin ng tubig mula sa mundo. | Ang pagdidilig sa mga hardin ng tubig mula sa mundo. |
Ang pagkain ng ipinagbabawal na mga prutas ni Enki | Ang pagkain ng ipinagbabawal na mga prutas ni Adan at Eba |
Ang sumpa sa tao (mga tao) na kumain ng ipinagbabawal na prutas. | Ang sumpa sa tao (mga tao) na kumain ng ipinagbabawal na prutas. |
Ang paglikha ng babae upang pagalingin ang tadyang ng lalake | Ang paglikha ng babae mula sa tadyang ng lalake |
Ang salitang ti mula sa pangalang Ninti ay may dalawang kahulugan. Ito ay maaaring mangahulugang "tadyang" (rib) o "buhay" kaya ang Ninti ay maaaring pakahulugang "babae ng tadyang" o "babae ng buhay". | Ang Eba o sa orihinal na semitikong anyong Hawah ay nangangahulugang "buhay" |
Epiko ni Gilgamesh
Ang Epiko ni Gilgamesh ay posibleng nag-uugat mula 3,700 taong nakakalipas. Ang unang bersiyong Lumang Babilonian ng Epiko ni Gilgamesh ay isinulat noong ca. 1800 BCE at mas naunang isinulat sa Tanakh ng Bibliya. Ang mga pagkakatugma sa Epiko ni Gilgamesh at Aklat ng Genesis ay matagal nang nakilala ng mga skolar.[6] Ang kuwento ng Arko ni Noe ay inaayunan ng mga skolar na hinango mula sa Epiko ni Gilgamesh.[7][8]
Epiko ni Gilgamesh | Aklat ng Genesis |
---|---|
Si Enkidu ay binuo mula sa putik ng lupa ng diyosa ng paglikha na si Aruru. Si Enkidu ay kasama ng mga hayop. Si Enkidu ay tinukso ng babaeng si Shamhat | Si Adan ay binuo mula sa alikabok ng lupa (Genesis 2:7). Si Adan ay kasama ng mga hayop. Si Adan ay tinukso ng babaeng si Eba |
Pagkatapos makipagtalik ni Enkidu kay Shamhat, ang mga hayop ay hindi na tumutugon kay Enkidu gaya ng nakaraan. Inihayag ni Shamhat na si Enkidu ay naging matalino at naging tulad ng isang diyos. Tinuruan ni Shamhat si Enkidu kung paano manamit at kumain. | Sinabi ng ahas kay Adan at Eba na sila ay magiging tulad ng diyos kung kakainin nila ang bunga ng Puno ng Kaalaman. Nang kainin nila ang bunga, kanilang nalaman na sila ay hubad at nagtago sa kahihiyan. Si Yahweh ay gumawa ng mga damit para sa kanila. (Genesis 3:7-8) |
Sa paghahangad ni Gilgamesh ng imortalidad (walang hanggang buhay), siya ay sinabihang may umiiral na halaman sa ilalim ng dagat na may katangiang magpabatang muli sa mga matanda. Si Gilgamesh ay sumisid sa dagat at inakyat ang halaman. Gayunpaman, ang halaman ay ninakaw habang siya ay naliligo. Ang magnanakaw na nagnakaw ng halaman ng walang hanggang kabataan (everlasting youth) mula sa kanya ay walang iba kundi ang ahas | Sinabi ni Yahweh kina Adan at Eba na huwag kumain ng bunga mula sa Puno ng Kaalaman na nagsasabing sila ay mamamatay kung gagawin nila ito. Hinikayat ng ahas sina Adan at Eba na kainin ang bunga na nagsasabing hindi sila mamamatay at magiging tulad ng diyos na nakakaalam ng mabuti at masama.[Genesis 3:2-5] Pagkatapos, sinabi ni Yahweh, "Katulad na natin ngayon ang tao, sapagkat alam na niya ang mabuti at masama. Baka pumitas siya at kumain ng bungangkahoy na nagbibigay-buhay at hindi na siya mamatay." (Genesis 3:22) |
Ayon sa tabletang Gilgamesh at punong Huluppu na saling Akkadiano ng kuwentong Sumeryo na mula ca. 2000 BCE, ang langit at lupa ay hiniwalay at ang mga tao ay nilikha. Pinili nina Anu at Enlil ang langit at lupa para kanilang tirhan. Si Ereshkigal ay binigyan ng mundong ilalim at si Enki ay tumungo sa isang kalalimang matubig sa ilalim ng mundo. Ang isang puno (tree) ay itinanim sa isang pampang ng Ilog Euphrates na hinipan ng hangin at tinangay sa ilog. Nakita ni Inanna na Reyna ng Kalangitan ang puno at inuwi ito sa kanyang "banal na hardin" at itinanim at inalagaan na umaasang mula dito ay makakagawa siya ng isang kama at trono. Nang ang puno ay lumago, si Inanna ay napigilan sa paggamit ng puno dahil ang ahas ay tumira sa ugat ng puno, ang isang ibong Zû ay gumawa ng isang pugad sa tuktok ng puno at ang isang ki-sikil-lil-la-ke na isinalin bilang Lilith ay gumawa ng bahay sa gitna ng puno. Pumasok si Gilgamesh sa hardin ni Inanna at pinatay ang ahas ng kanyang palakol na sumindak sa ibon at ki-sikil-lil-la-ke. Kinalag ni Gilgamesh ang mga ugat ng puno at pinutol ito ng kanyang mga kasama. Mula sa sanga ng puno ay gumawa si Gilgamesh ng kama at trono para kay Inanna. Gumawa si Inanna ng dalawang bagay mula sa puno, ang pukku mula sa mga ugat nito at mikku mula sa korona at ibinigay niya ito ay kay Gilgamesh na hari ng Uruk.
Adapa
Ayon sa mitolohiyang Mesopotamiano, si Adapa ay isang pantas mula sa siyudad ng Eridu sa Sumerya na sumusunod sa mga kautusan ng mga Diyos. Ginawa ng Diyos na si Ea si Adapa na pangunahin sa mga tao at pinakalooba niya si Adapa ng karungunan ngunit hindi ng buhay na walang hanggan. Isang araw, habang nangingisda si Adapa, ang katimugang hangin ay marahas na umihip na siya ay tumapon sa karagatan. Sa kanyang galit, kanyang binali ang mga pakpak ng hangin na tumigil sa pagihip. Dahil dito, tinanong ng Diyos na si Anu ang kanyang sugo kung bakit ang katimugang hangin ay hindi umiihip sa lupain sa pitong araw at sumagot ang sugo na binali ito ni Adapa. Ipinatawag ni Anu si Adapa sa mga kalangitan upang ipaliwanag ang kanyang pag-aasal. Pinagbihis ni Ea si Adapa ng damit ng pagdadalamhati at nagpayo na kapag tinanong siya kung para kanino ang kanyang pagpunta sa langit at ang kanyang pagdadalamhati ay para sa dalawang Diyos na naglaho sa lupain na sina Tammuz at Ningishzida (Diyos na orihinal na may anyong Ahas).[9] . Binalaan rin ni Ea si Adapa na huwag kainin ang pagkain ng kamatayan na ihahain nila sa kanya ngunit isuot ang mga kasuotang inihain nila at ipahid ang langis na ihahain nila. Sinunod ni Adapa ang payo ni Ea at ang dalawang Diyos ay namagitan kay Anu para kay Adapa. Isinaad nina Ningishzida na dalhin sa kanila si Adapa upang kumain ng pagkain ng buhay ngunit ito ay tinanggihan ni Adapa. Dahil dito, si Adapa ay pinabalik sa mundo.
Mito ni Adapa | Aklat ng Genesis |
---|---|
Si Adapa ay pinagkalooban ng Diyos na si Ea ng karunungan at pinayuhan siyang huwag kakainin ang pagkain ng kamatayan na ihahain sa harap niya ng mga bantay sa langit na sina Ningishzida (Diyos na orihinal na may anyong Ahas).[9] Gayunpaman, si Adapa ay inalukan ni Ningishzida ng pagkain ng buhay. | Si Adan ay pinayuhan ng Diyos na huwag kainin ang puno ng kaalaman ng mabuti at masama at siya ay mamamatay. Gayunpaman, sinabi ng ahas na kapag kinain ito ni Adan ay hindi siya mamamatay (Genesis 3:4-5). |
Kung kinain ni Adapa ang pagkain at inumin ng buhay, siya ay hindi mamamatay. | Kung si Adan ay kumain ng bunga ng puno ng buhay, siya ay hindi mamatay. (Genesis 3:22) |
Inalukan ni Ningishzida si Adapa ng tinapay at tubig ng walang hanggang buhay ngunit si Adapa ay tumangging kainin ito at kaya ay ipinadala siya pabalik sa lupa. | Upang pigilan ng diyos na si Yahweh ang imortalidad ni Adan, kanya itong itinaboy sa paraiso (eden) at ipinadala sa lupa. (Genesis 3:22) |
Bilang prototipo ng pagkasaserdote ay gayunpaman nagpanatili ng mga pribilehiyo ng isang saserdote na pagkakatanggap sa bahay na pang-diyos, pakikipag-ugnayan sa mga diyos, kaalaman ng mga ritwal at patakaran ng puridad at nakapagpapalayas ng demonyo na kapangyarihan ng mga salita. Ang pagiging epektibo ng kanyang sumpa laban sa Timog Hangin (South Wind) ay kaugnay sa mga pangsaserdoteng eksorsismo (pagpapalayas ng demonyo) na nasa pragmentong D. | si Adan bilang prototipo ng sangkatauhan ay nagkamit sa anyo ng mga sumpa na hirap ng pagbubungkal sa pagkuha ng pagkain at kahirapan ng panganganak o ang imortalidad ng sangkatauhan at hindi ng indibidwal na imortalidad. |
Pananaw ng mga relihiyon
Tradisyong Hudyo
Ang magkasalungat na salaysay ng paglikha sa Genesis 1 at 2 ay matagal nang nakikilala ng mga sinaunang Hudyo. Ang unang salaysay sa Genesis 1 ay nagsasaad na "nilikha ng Diyos ang lalake at babae" na nagpapahiwatig ng sabay na paglikha samantalang sa Genesis 2 ay nilikha si Eba pagkatapos likhain ang mga ibon at hayop na nilikha pagkatapos ni Adan. Ito ay tinangkang pagkasunduin ng Midrash Rabbah – Genesis VIII:1 sa pagsasabing ang Genesis 1 ay nangangahulugang orihinal na nilikha ng Diyos si Adan na isang hermaphrodite na parehong lalake at babae bago hiwalay na likhain bilang Adan at Eba. Ang pananaw na ito ay tila sinusuportahan ng Genesis 5:1-2:
- Ito ang kasaysayan ng lahi na mula kay Adan. Nang likhain ng Diyos ang tao, ginawa niya ito ayon sa kanyang larawan. Sila'y nilikha niya na lalaki at babae, at matapos pagpalain, sila'y tinawag niyang "Adan" (sa Hebreo).
Para sa mga ibang mga sinaunang Hudyong rabbi, ang dalawang magkasalungat na salaysay ng paglikha sa Aklat ng Genesis 1 at 2 ay maipapaliwanag na ang Genesis 1 ay tumutukoy sa dalawang magkaibang paglikha. Para sa mga rabbi, ang Genesis 1 ay tumutukoy sa unang babae at ang Genesis 2 ay tumutukoy sa ikalawang babae na si Eba. Ang unang babae ay naging si Lilith sa Hudaismo.
Kristiyanismo
Ang kuwento ni Adan at Eba sa Aklat ng Genesis ang saligan ng doktrinang Orihinal na kasalanan ng ilang mga sektang Kristiyano. Ang konsepto ng orihinal na kasalanan ay hindi tinatanggap sa Hudaismo. Pinakahulugan ni Pablo ng Tarsus si Hesus bilang ang "bagong Adan" na nagdadala ng buhay imbis na kamatayan. Pinakahulugan ng may akda ng Aklat ng Pahayag ang ahas sa Halamanan ng Eden bilang si Satanas.
Islam
Itinuturing ng mga Muslim si Adan bilang ang unang tao at ang pinakaunang mga propeta ng Islam.
Pananaw hinggil sa historisidad
Liberal na Kristiyanismo
Sa interpretasyong liberal na Kristiyano, ang kuwento ni Adan at Eba ay isang mitong pang-relihiyon na isang alamat na may kahalagahang espiritwal ngunit hindi aktuwal na nangyari.[10]
Kreasyonismo
Ang mga kreasyonista at konserbatibong Kristiyano ay nagtataguyod ng literal na interpretasyon ng Bibliya na naniniwalang sina Adan at Eba ay aktuwal na umiral at ang kuwento sa Genesis ay aktuwal na nangyari.
Romano Katoliko
Ayon sa Australiyanong Romano Katolikong Kardinal na si George Pell noong 2012, ang kuwento ni Adan at Eba ay isa lamang sopistikadong mito (myth) upang ipaliwanag ang pagdurusa at kasamaan kesa isang katotohanang siyentipiko.[11]
Ilang ebanghelikal
Ang ilang mga konserbatibong Kristiyano o ebanghelikal ay hindi na naniniwala sa salaysay ng paglikha ng tao sa Aklat ng Genesis dahil ito ay "sasalungat sa lahat ng ebidensiyang henomiko na natipon sa huling 20 taon."[12]
Pananaw siyentipiko sa pinagmulan ng tao
Kung papakahulugang literal ang kuwento ni Adan at Eba sa Genesis, ito ay sasalungat sa mga ebidensiyang pang-agham. Ayon sa agham, ang tao ay nag-ebolb mula sa mas primitibong species ng mga hominid na nagebolb sa mas primitibo pang mga hayop. Ayon sa henetika, ang homo sapiens ay lumitaw sa Silangang Aprika bago kumalat sa iba't ibang mga panig ng mundo.
Mga ibang unang tao sa mga ibang mitolohiya
Tingnan din
Mga sanggunian
- ↑ Westermann, Claus. Creation. Fortress Press; First English Edition edition (1974) ISBN 978-0800610722
- ↑ S. G. F. Brandon, Creation Legends of the Ancient Near East
- ↑ Graves & Patai, Hebrew Myths: p21-23
- ↑ Hooke, Middle Eastern Mythology: p41-45 & p119-120
- ↑ "Archive copy". Inarkibo mula sa orihinal noong 2014-02-20. Nakuha noong 2013-10-20.
{{cite web}}
: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Gmirkin, Russell, "Berossus and Genesis, Manetho and Exodus.., Continuum, 2006, p. 103. See also Blenkinsopp, Joseph, "Treasures old and new.." Eerdmans, 2004, pp. 93–95.
- ↑ A. R. George (2003). The Babylonian Gilgamesh Epic: Introduction, Critical Edition and Cuneiform Texts. Oxford University Press. pp. 70–. ISBN 978-0-19-927841-1. Nakuha noong 8 Nobyembre 2012.
{{cite book}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Rendsburg, Gary. "The Biblical flood story in the light of the Gilgamesh flood account," in Gilgamesh and the world of Assyria, eds Azize, J & Weeks, N. Peters, 2007, p. 117
- ↑ 9.0 9.1 http://www.britannica.com/EBchecked/topic/415722/Ningishzida
- ↑ "Archive copy". Inarkibo mula sa orihinal noong 2013-11-05. Nakuha noong 2013-10-17.
{{cite web}}
: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ http://www.theaustralian.com.au/news/nation/adam-and-eve-thats-just-mythology-says-pell/story-e6frg6nf-1226322379822
- ↑ http://www.npr.org/2011/08/09/138957812/evangelicals-question-the-existence-of-adam-and-eve